PULIS IIMBESTIGAHAN SA PANGUNGUPIT

IPATATAWAG ng Cavite Police ang isang pulis na nakatalaga sa Philippine National Police Academy (PNPA) matapos akusahan ng kanyang kabaro na kumupit ng kanyang pera sa Silang, Cavite, noong Sabado ng hapon.

Ang inirereklamo ay si Patrolman Allen C. Cando, 29, kasalukuyang nakatalaga sa CSS, GSSD ng PNPA sa Camp General Castaneda, Brgy. Tartaria, Silang, Cavite.

Nabatid sa ulat ni Police Staff Sergeant Emerson Busto ng Silang Police Station, ipinarada ng nagrereklamong si Patrolman Johnnie Estacio, nakatalaga rin sa nasabing tanggapan, ang kanyang motorsiklong walang plaka sa harapan ng parking lot sa gymnasium ng PNPA, dakong alas-9:00 ng umaga para kumuha ng pagsusulit sa Criminal Investigation Course (CSC) ngunit naiwan niya ang susi ng kanyang motorsiklo at kanyang pitaka.

Matapos ang pagsusulit, papaalis na sana siya sa lugar nang mapansin niyang nawawala ang kanyang pitaka na may lamang P3,400 cash.

Bunsod nito, humingi siya ng tulong kay Pat. Razon ng Academic Group at ni-request na panoorin ang footage sa CCTV kung saan nakita umanong kinuha ito ni Pat. Cando.

(SIGFRED ADSUARA)

91

Related posts

Leave a Comment