KASO NG SUMABOG NA PAL FLIGHT 215, 53 YEARS NABAON SA HUKAY

BISTADOR ni Rudy Sim

HIGIT limang dekada na ang nakararaan nang mangyari ang isang trahedya na gumimbal sa kasaysayan ng aviation sa bansa, na ginamitan ng dahas at brutal na nakapatay sa 32 pasahero at 4 na crew ng Philippine Airlines flight 215 noong April 21,1970.

Sa maliwanag na araw at magandang panahon, mula Cauayan, Isabela ay lumipad ang eroplano na patungo sana ng Manila, habang ito ay nasa himpapawid sa bahagi ng Pantabangan Dam, ay isang malakas na pagsabog ang sumambulat sa likurang bahagi nito na siyang naging dahilan upang bumagsak at nangyari ang nakakikilabot na balita na kumitil sa lahat ng mga pasahero at crew members ng eroplano.

Saksi sa panahong iyon ang mga residente ng Isabela na sa kanilang obserbasyon ay sinadya ang tila terroristic attack, nilagyan umano ng bomba ang eroplano upang mapatahimik at mapagtakpan sa panahong iyon, ang mga ilegal na aktibidad sa lalawigan na kinasasangkutan diumano ng matataas na lokal na opisyales ng pamahalaan na sangkot sa malawakang illegal logging.

Tila katulad sa pelikulang “final destination” ay nagkaroon din ng premonition ang ilang nabubuhay pa ngayon na hindi nakaabot sa flight na sana’y nakasama sa malagim na biyahe, at ibinahagi ang kanilang naging obserbasyon at nakita bago nangyari ang karumal-dumal na pangyayari.

Ayon kay dating Angadanan, Isabela Mayor Rogelio Siquian Sr., ilang saksi umano ang nakapansin bago ang flight, na pinigilan ang isang pasahero na nagmamay-ari ng isang saw mill na kasapakat sa illegal logging at kumare ng isang mataas na lokal na opisyal ng Isabela, upang hindi sumampa sa eroplano dahil mayroong mangyayari?

Dalawang taon ang nakalipas bago pumanaw sa cancer umano ang dating hepe ng pulisya ng Cauayan na si Arturo Ordonez sa Chinese General Hospital, bago ang kanyang huling hininga ay nagkumpisal pa ito sa isang alagad ng simbahan na wala siyang nagawa upang pigilan ang nangyari at humingi ng dasal at pagpapatawad.

Lumabas sa naging imbestigasyon ng NBI na ang pagsabog ng flight 215 sa ere ay dahil sinadyang lagyan ng time bomb sa likurang bahagi nito, ilang minuto bago ang mag-take off ang eroplano. Ngunit dahil sa kapangyarihan ng pinaniniwalaang may kinalaman sa krimen, ay ilang dekada ang mga itong nakaligtas sa batas ng hustisya sa bansa.

Nakaligtas man sa batas ang mga nasa likod ng malagim na trahedya, pinaniniwalaang binawian naman ang mga ito at ang kanilang pamilya ng habambuhay na karma at karamdaman, kahit gaano karami ang kanilang salapi ay hindi nito nailigtas ang kanilang buhay o madugtungan pa ang kanilang buhay, dahil sa nangyari sa 36 na pasahero na humihingi ng hustisya hanggang sa ngayon.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

163

Related posts

Leave a Comment