TEVES MAY PANAWAGAN KAY PBBM

TARGET NI KA REX CAYANONG

HANGGANG ngayon, hindi pa rin tapos ang isyu laban kay Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Siya ay kasalukuyang nasa ibayong dagat. Ginigipit daw kasi siya.

Pilit na kinakaladkad ang kanyang pangalan sa pagpatay raw kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. Ngunit nanawagan si Teves kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na alamin ang buong katotohanan hinggil sa kanyang sitwasyon.

“Alamin lang niya ‘yung buong katotohanan, ano ‘yung puno’t dulo nito,” ani Teves.

Sabi ni Teves: “Because this started way before eh. This started–ito lahat operation laban sa akin, started way before.”

Kung maaalala, isa si Teves sa mga tinitingnan ng Department of Justice (DOJ) na mastermind daw sa pagpaslang sa gobernador at walo pang nadamay. Nasa ibang bansa pa ngayon ang mambabatas. Ayaw pa niyang umuwi ng bansa dahil natatakot daw siya para sa kanyang buhay.

Maging si Pangulong Marcos ay nanawagan din kamakailan kay Teves na umuwi na ng bansa at siniguro rin ng presidente ang kaligtasan ng kongresista. Sinasabing binanggit din ng Presidente na ang puno’t dulo nito ay ang pagpaslang kay Degamo, bagay na tinutulan ng mambabatas. “So this is not about ‘yung pangyayari sa aming probinsya dahil bago pa nu’n, nanawagan na ako eh. So hindi puwedeng ‘yun ‘yung puno’t dulo dahil dati pa, nanawagan na ako,” pahayag ng kongresista.

Magugunitang noong Enero ay nagreklamo naman ang mambabatas dahil daw sa harassment na naranasan niya mula sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na pinangangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Teves: “Kaya gusto ko sana mapag-aralan ni Mr. President kung ano talaga, tingnan naman niya mga tauhan niya, ano ‘yung mga galaw, kung ano ‘yung mga balak, ano ‘yung mga ambisyon, ano ‘yung mga bagay-bagay na ginagawa ng tauhan niya. ‘Yun lang naman.”

Well, tayo naman ay umaasa na magiging patas dito ang pamahalaan. Sa bandang huli, naniniwala ako na malilinis din ni Teves ang kanyang pangalan, kung totoong wala siyang kasalanan.

122

Related posts

Leave a Comment