KINAKAILANGAN PA RIN BUSISIIN ANG ESC

EDITORIAL

MAYAYAMAN o may kayang estudyante sa halip na ang mahihirap ang karamihan sa mga benepisyaryo ng Educational Service Contracting (ESC).

Sa pagsusuri ni Senador Sherwin Gatchalian sa Annual Poverty Indicators Survey (APIS), natuklasang para sa School Year 2020-2021, 68% ng mga ESC recipient ay galing sa mga non-poor households o iyong mga pamilyang ang kabuuang kita ay lagpas o katumbas ng per capita threshold. Para sa School Year 2019-2020, 59% ay galing din sa non-poor households.

Ang ESC ay isang partnership program ng Department of Education (DepEd) na layong solusyunan ang congestion o bawasan ang siksikan sa mga mga public junior high school. Babayaran ng gobyerno ang matrikula at ibang bayarin ng mga mag-aaral na mapipiling benepisyaryo mula sa mga pampublikong paaralan upang pumasok sa mga pribadong paaralang kinontrata ng DepEd.

Sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, mula sa ESC program ay maaaring umaabot na sa P8.6 bilyon ang pondong napunta sa hindi mahihirap. Ayon kay Gatchalian, ito ay hindi makatarungan. “Humihingi tayo ng pondo, binibigay natin sa hindi mahihirap. At bilang mga taxpayers, lumalabas na pinopondohan natin sa programa ang hindi mahihirap,” ani Gatchalian sa isang pagdinig sa pagpapatupad ng ‘Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act’ (Republic Act No. 8545) o ng e-GASTPE law.

Ang ESC ay isang programang nasa ilalim ng GASTPE.

Pero dapat din busisiin ng senador kung bakit kakaunting mahihirap ang nakakukuha ng slot bilang benepisyaryo ng ESC.

Una, hindi sapat ang suporta ng gobyerno sa programa.

Base sa pag-aaral, ang mga pribadong eskwelahan ay sumisingil ng malaking matrikula at hindi lahat ay binabayaran ng subsidiya mula sa gobyerno kaya malaki pa rin ang babayaran ng mga magulang. Hindi maglalakas-loob ang mahihirap na magulang na papag-aralin ang kanilang mga anak sa pribadong eskwelahan kung pupunuan pa nila ang malaking kakulangan sa matrikula.

Kaya sa pampublikong paaralan nila isinisiksik ang mga anak dahil libre.

Hindi lang tuition fee ang gastos sa pag-aaral. Mabigat sa mahihirap ang baon ng mga anak sa araw-araw, ang pamasahe, mga pangangailangan para sa mga project at extra-curricular na aktibidad at iba pa.

Kung napupunta sa mga may kayang estudyante ang pondo ng ESC, ay sana ay rebisahin ng gobyerno ang mga alituntunin nito.

Ang mahihirap ay mahihirapan lang kung sa pribadong eskwelahan sila mag-aaral kahit may subsidiya mula sa pamahalaan.

May ibang paraan para bawasan ang siksikan sa mga mga public junior high school. Ito ang dapat busisiin ng mga mambabatas, opisyal ng sangkot na ahensya, at ng pamahalaan mismo.

35

Related posts

Leave a Comment