LOCAL OCD CHIEF PATAY SA AMBUSH

PATULOY na tinututukan ng Philippine National Police ang kaso ng pinaslang na local disaster chief ng Cotabato City, na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Ayon sa ulat, napatay ang opisyal ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) matapos umanong tambangan ng hindi pa kilalang mga suspek.

Kinilala ng Cotabato Provincial Police Office (PPO) ang biktimang si Jose Raymond Marquez, chief of operations ng Cotabato CDRRMO.

Agad nalagutan ng hininga ang biktima makaraan ang pananambang noong Sabado ng gabi sa Barangay Rosary Heights 4.

Base sa paunang imbestigasyon ng Cotabato police, sakay ng motorsiklo at pauwi sa kanyang bahay si Marquez nang barilin ng mga suspek, ayon kay Cotabato Police Director Querubin Mana­lang, Jr.

Nakuha ng mga awtoridad ang tatlong fired cartridge case na pinaniniwalaang galing sa .45 kalibreng baril.

Nangalap naman ang pulisya ng CCTV footage mula sa mga establisimyento at bahay na malapit sa crime scene kabilang sa bahagi ng Sinsuat Avenue sa Cotabato City, sa tapat mismo ng isang gasoline station na hindi kalayuan sa bahay ng biktima.

Samantala, inutos ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang masusing imbestigasyon sa insidente at nanawagan ng katarungan para sa biktima.

(JESSE KABEL RUIZ)

116

Related posts

Leave a Comment