KOKONTI ANG BOBOTO SA OCTOBER 30

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ALAM niyo ba na namomroblema ngayon pa lang ang mga kandidato sa parating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections dahil baka kokonti raw ang boboto na kapag nangyari ay baka magkaroon ng failure of election?

Itinakda kasi ang eleksyon sa October 30, 2023, na nakadikit sa Undas na alam naman natin na kapag ganitong panahon ay nag-uuwian sa kani-kanilang probinsya ang mga tao para dumalaw sa puntod ng mga namayapa nilang mga mahal sa buhay.

Tiyak na idedeklara na walang pasok sa araw ng eleksyon sa October 30 para makaboto ang mga tao kaya posibleng samantalahin ito ng mga tao para umuwi na sa kanilang probinsya kaya hindi na sila makaboboto.

Karaniwang nangyayari na nag-uuwian na ang mga tao ilang araw bago ang November 1 o All Saints Day na araw ng pagdalaw sa mga sementeryo kahit ang All Souls Day ay November 2.

Pumatak sa araw ng Lunes ang October 30 at isang araw lang ang pagitan bago ang All Saints Day at All Souls Day kaya October 27, Biyernes ay malamang na lalarga na pa-probinsya ang mga tao.

Mahaba-habang bakasyon kasi ‘yun dahil tiyak na ile-leave na lang nila ang October 31 dahil kinabukasan naman at ang susunod na araw, November 1 at 2 ay holiday naman.

‘Yan ang pinoproblema ng mga barangay at SK candidates lalo na sa Metro Manila dahil kung mag-uuwian ang mga tao ay kokonti ang boboto at baka magkaroon pa ng failure of election.

Alam naman natin na mayorya na sa mga taga-probinsya ay registered voters na sa Metro Manila at hindi pwedeng pilitin ang mga ito na bumoto mula sila bago umuwi dahil karapatan ng isang mamamayan kung ayaw niyang bumoto.

Kahit ang mga taga-probinsya na may mga kaanak sa Metro Manila at ibang lugar ay siguradong bibiyahe rin at hindi na makaboboto at dehado dito ang mga kandidato at hindi kalakihan ang angkan sa barangay na kanyang tatakbuhan.

Kasi naman, bakit October 30 pa ang piniling petsa ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso para ihalal ang mga bagong lider ng SK at Barangay?

Parang walang nakaisip na nag-uuwian ang mga tao sa probinsya kapag Undas na isang tradisyon ng mga Filipino na hindi nila ipagpapalit kahit sa halalan dahil katuwiran naman ng karamihan, pare-pareho lang namang walang nangyayari kung boboto sila o hindi.

Iniisip tuloy ng mga tao na epekto ito ng pagmamadali ng Kongreso na ipasa ang batas sa pagtatakda ng BSK election sa October 30 dahil overdue na ang incumbent barangay at SK officials.

Lalong magiging problema kapag nagtagumpay ang Kongreso na magpatawag ng Constitutional Convention (ConCon) at isabay ang paghalal ng mga delegado sa nasabing halalan.

Sabagay may panahon pa ang Kongreso na iurong ang petsa ng halalan kung gugustuhin nila pero malabong mangyari maliban lamang kung gawin itong urgent bill ng Malacañang dahil isang upuan lang ‘yan.

146

Related posts

Leave a Comment