SERBISYONG TUNAY AT NATURAL SA QUEZON, TULOY-TULOY

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA kabila ng matinding init ng araw, ipinakita ng mamamayan at opisyal ng Mulanay, Quezon ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at residente ng bayan.

Isang mahalagang araw ang naganap sa Mulanay kamakailan, kung saan pinangunahan ni Gov. Helen Tan ang pag-turn-over ng P2.4 milyong halaga ng agri-inputs. Ito ay isang malaking hakbang upang masiguro ang pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka sa bayan, na siyang backbone ng ating ekonomiya.

Ang agri-inputs ay hindi lamang isang simpleng donasyon, kundi isang simbolo ng pagkilala at suporta sa walang sawang pagsusumikap ng ating mga magsasaka.

Ang mga ganitong inisyatibo ay nagpapakita ng malasakit ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura na madalas ay nababalewala.

Sa harap ng mga pagsubok at sakripisyo, ang ganitong uri ng tulong ay nagiging tanglaw at inspirasyon para sa kanila.

Hindi rin naman nagpapahuli ang serbisyong pangkalusugan na handog ng pamahalaang panlalawigan. Ang libreng serbisyong medikal na umabot sa 4,616 residente ng Mulanay ang nakinabang, ay patunay ng commitment ng mga lider ng lalawigan na maghatid ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa kanilang mga nasasakupan. Ang presensya ng mga doktor at espesyalista mula sa mga kilalang ospital sa bansa ay nagbibigay ng kasiguruhan na ang mga residente ay tumatanggap ng tamang pangangalaga.

Isang malaking balita rin ang ibinahagi ni Governor Tan—ang planong pagtatayo ng Infirmary at Ambulatory Service Hospital sa Mulanay.

Sa pagdaraos ng programang ito, hindi lamang kalusugan ang naging pokus. Ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasurer’s Office (PTO) ay naghatid din ng financial at medical assistance sa mga pasyente na nangangailangan.

Dagdag pa rito, ang Veterinary Medical Mission na isinagawa ng Office of the Provincial Veterinarian ay isang mahalagang serbisyo para sa mga may alagang hayop, na kadalasan ay bahagi na ng kabuhayan ng mga residente.

Ang pagkakaisa ng mga opisyal ng lalawigan, kasama sina Vice Governor Third Alcala, 3rd District Congressman Reynan Arrogancia, Board Member John Joseph Aquivido, Mayor Aris Aguirre, Vice Mayor Jay Castilleja, at ang lokal na pamahalaan, ay isang magandang halimbawa ng pagtutulungan para sa kapakanan ng bayan.

Sa kabuuan, ang mga inisyatibong ito ay nagpapakita ng tunay na diwa ng serbisyo publiko. Ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon, sa pamumuno ni Gov. Helen Tan, ay patuloy na nagsusumikap na maihatid ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Masasabing ang kanilang malasakit at dedikasyon ay nagiging inspirasyon para sa lahat na magkaisa at magtulungan tungo sa isang maunlad at masaganang bayan.

27

Related posts

Leave a Comment