STEPDAD GRINIPUHAN SA BATOK NG 15-ANYOS

CAVITE – Sinaksak sa batok ang isang 47-anyos na lalaki ng kanyang 15-anyos na stepson dahil sa pagkampi umano nito sa isa pang stepson nang mag-away ang dalawa sa Bacoor City noong Martes ng gabi.

Isinugod sa Southern Tagalog Regional Hospital ang biktimang si alyas “Nestor”, isang painter, ng Brgy. Habay 1, Bacoor City, ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Kusang loob namang sumuko sa kanilang barangay officials ang suspek na isang 15-anyos na estudyante, na hawak na ng City Welfare and Development (CSWD).

Ayon sa ulat, dakong alas-11:40 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng pamilya sa Brgy. Habay 1, Bacoor City, Cavite.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawang stepson ngunit kumampi ang biktima sa isa sa mga ito.

Bunsod nito, nagalit umano ang suspek na lumabas ng bahay ngunit pagbalik ay sinaksak sa batok ang biktima.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa ospital subalit namatay bandang alas-12:05 ng madaling araw nitong Miyerkoles.

Makalipas ang ilang oras, isinuko ng suspek ang sarili sa barangay officials na siyang naghatid sa kanya sa himpilan ng pulisya.

(SIGFRED ADSUARA)

99

Related posts

Leave a Comment