KONSIDERASYON DIN MINSAN, ‘DI PURO BATAS LANG

KAALAMAN Ni Mike Rosario

LAGI akong saludo at sumusunod sa bawat batas na ipinatutupad, ika nga masunurin tayong mamamayan ng Pilipinas.

Pero minsan ‘pag tao na ‘yung nasasaktan, pag humanity na ang pinag-uusapan, ‘di mo maiwasan na makialam at minsan ikaw pa ‘yung nasasaktan sa mga hinaing ‘pag naipararating sa ating Kaalaman…

Kailan lamang ay may lumapit sa atin na isang family driver na nahuli ng Land Transportation Office (LTO) enforcer nang walang seat belt, sumikip daw ang paghinga niya kaya tinanggal saglit at natiyempuhan siya, ‘di siya pinagbigyan nang makiusap siya, kaya tiniketan siya.

Ayos lang naman ‘yun kasi nga kasalanan naman niya, naghintay ng sahod kaso sumabay ang mga bayarin sa ilaw at bahay, inuna muna bayaran, after 3 days nanghiram sa amo para tubusin ang lisensya.

Sakto na 16 days, lumagpas na pala sa 15 days na palugit, ang siste nang tutubusin na, ang problema ay nagkaroon siya ng 30 days suspension kasi nga raw ay lumagpas o nag-expire na sa araw ng tubos.

Mga kasama, batas po ‘yan, na ‘di pwedeng kondenahin ng kahit sino, kaya lang tama po ba ang ganitong mga patakaran, umiiyak tuloy ang tao, ‘di raw siya pinapasok ng amo kasi walang lisensiya?

Paano siya makapaghahanapbuhay, isang buwan siyang suspendido?

Saan kukuha ng kakainin ang tao? Masyado naman yatang napakahigpit ang ganitong uri ng regulasyon.

Sana man lang, kinuhaan na lang ng penalty, sana man lang ay may konsiderasyon ang humuli sa kanya.

Naisip ko tuloy na ‘di lang iisang tao ang apektado ng ganitong kalakaran, malamang mas marami pang maliliit na masa ang nasasagasaan ng ganito kalakaran.

Sabi ko, bakit ‘di kayo nagrereklamo o ipinarating sa mga kinauukulan, ang lagi raw sinasabi ay ang salitang ito, “privilege lang ang magkaroon ng driver’s license” at baka raw tanggalan sila ng karapatan na magmaneho ‘pag nagreklamo sila.

Ang lagay pala dahil privilege lang, wala nang karapatan ang kahit sino kahit na natatapakan na ang pagiging tao at magugutuman na ang pamilya?

Sana naman may makaisip sa mga kinauukulan, ‘wag naman higpitan masyado ang ganito, ‘di naman heinous crime ang ‘di pagtubos agadsa lisensya, lalo at kapos din ang mga tao, pang-unawa man lang sana para sa bawat isa, sana isa ‘yan sa tinitingnan sa paggawa ng mga patakaran.

Pansin na rin po natin ang paglabas ng napakaraming mga ambulansya pagdating ng rush hour.

Tanong din natin, hindi mga politiko at opisyal ang laman ng mga ambulansya, at hindi naman talaga naghihingalong mga pasyente ang nasa loob nito.

Nariyan pa rin ang mga bus lane na ginagamit ng mga official sa sarili nilang interest, ano kaya ang gagawing hakbang dito? ‘Pag ordinaryong mga tao ang napapadaan dito, ipinapatawag agad ng MMDA at LTO, napapahiya pa sa social media, eh tanong pa rin natin, para saan ba talaga ang bus lane”

Hangad lang natin ay makataong trato at pantay-pantay na pagpapatupad ng batas, mas maunlad ang bayan kapag ang mga batas ay sinusunod ng lahat, ‘di lang ng mahihirap na katulad ko, kundi pati na ang lahat ng mga nagpapatupad nito.

231

Related posts

Leave a Comment