KORAPSYON TALAMAK PA RIN

FOR THE FLAG

Bakit kahit sino na yata ang iupo sa pamahalaan ay nananatiling laganap, paminsan ay mas malala pa ang korapsyon?

Nawawala ang integridad ng isang administrasyon kapag talamak ang korapsyon dito. Katulad na lamang sa nakaraang administrasyon kaya naman wala silang maipagmalaki para sana maiangat ang mga kandidato nito sa pagka-senador. Nawalan kasi ng integridad.

Sa ngayon ay laganap pa rin ang korapsyon ngunit nanatiling popular si Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil nakikita naman ng lahat ang kanyang pagiging seryoso laban sa korapsyon na mismong kaibigan at mga malaki ang naitulong sa kanya noong kampanyahang pagkapanguluhan ay pinagsisibak niya.

Sana ay kung ang lahat ng miyembro ng gabinete ay kapareho ni Duterte ay may pag-asang malansag ang mga sindikato ng korapsyon sa buong burukrasya. Kaso hindi.

Palagay ko ang dapat bawat Filipino ay nararapat na ma-reeducate sa ideolohiya ng patriotic democracy. Parang mabigat pakinggan ano? Pero simple lamang ito, kung pamilyar kayo sa mga tinaguriang Dutertenomics at Duterteism, malapit-lapit na kayo sa pinapakahulugan ko.

Tanging isang ideolohiya lamang ang makasasagip sa ating bansa na lumalayag ngayon sa karagatan ng sibilisasyon gamit ang isang despalinhadong sistema at gamit ang alaala na niyurakan ng ilang daang taon sa ilalim ng kolonyalismo at pagkakasakop.

Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin tayo industrialized na bansa. Natutuwa na ang mga Filipino sa mga mall sa kanilang paligid at sachet na mga produktong kanilang nabibili sa tindahan.

Naimbento na ang lahat para lamang manatiling kalmado ang mga Filipino kaya walang rebolusyong maaaring magtagumpay sa bansa sa ngayon. Kumikita ang elite, kuntento ang middle class at kaya pa namang bumili sa sari-sari store ng lower class at maging ng mga pinakamahihirap.

Ang patriotic democracy ay isang uri ng pagtingin sa bansa na communal na pagmamay-ari ng lahat, pagkakapantay-pantay ng karapatan ng lahat ngunit nakaumang sa pangkabuuang kapakinabangan ng lahat ng mamamayan.

Ang industriyalisasyon ay matagal na sanang naimplementa, ngunit dahil sa pag-aaway-away ng mga Filipino at mga kalituhan na ipinalamon sa atin ng mga banyagang interes at ng oligarkiya, nahuli ang Pilipinas sa mga kapitbahay nito sa Asya.

Malala na ang sakit ng sistema na umiiral sa bansa, at ang patriotic democracy ang gamot. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

108

Related posts

Leave a Comment