KOTONGAN SA BI TALAMAK PA RIN

BISTADOR ni RUDY SIM

SA kabila ng kinatatakutang giyera na posibleng pumutok sa ating karagatan laban sa higanteng puwersa ng China ay tila wala nang pag-asang magbago ang mga tiwali sa ilang ahensya ng ating pamahalaan.

Matapos iutos ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na imbestigahan ang ilang opisyales ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa ibinisto natin na sablay na pangongotong ng ilan sa mga tauhan ng verification and compliance division sa travel agencies na nagproseso ng visa na nakitaan umano ng huwad na dokumento.

Dahil dito ay hinayaan ni Remulla na mismong si BI Commissioner Norman Tansingco ang mamili ng ipapalit nito sa Visa Processing Unit at hanggang sa nakatanggap tayo ngayon ng sumbong mula sa isang liaison officer na kinokotongan umano sila ng isang “Baklitang Immigration Officer” na nakatalaga sa Visa Processing Unit.

Ayon sa sumbong, ilegal na hinihingan umano sila ng limang libong piso kada folder na dinadala sa tanggapan na ito para lamang tumakbo ang papeles at kung hindi ay tiyak na aamagin ang dokumento hanggang pulutin ito sa basurahan.

Aba, teka! Itong baklang ito kaya ang kasalukuyang “Bagman” ng boss? Hmm… kanino kaya ito nagbibigay at sino ang nagpahintulot na kumolekta? Isa na naman kaya itong “TARA” sa mataas na opisyal ng pamahalaan na nagpapatakbo ngayon ng ahensya?

Ilang libong papeles ng mga dayuhan ang ipinapasok sa BI ng mga accredited na liaison officer ng iba’t ibang travel agencies at sa halagang 5K na kotong kada araw, ay napakalaking halaga upang mayroong mga buwaya sa pamahalaan ang mabusog sa pagsasamantala sa kanilang kapangyarihan.

Akala ko ba matino na itong mga inilagay mo, Mr. Tansingco? Bakit nangyayari na naman ‘yan? Secretary Boying Remulla! Sir, kilos din pag may time.

Samantala, nakalulula ang umano’y lagayan pagdating sa Quota Visa na ibinibigay sa iba’t ibang dayuhan na limitado lamang sa 50 katao kada taon. Siyempre, hindi mawawala ang paboritong Chinese food ng mga tiwaling opisyales ng BI kung saan ay 8M o walong milyong piso at sa Australian naman ay 400K lamang ang asking price. Tindi n’yo!!

Kapag sinakop na kaya tayo ng China ay magagawa n’yo pa rin na kotongan ang kanilang mga kababayan? Hmm… ewan na lang natin baka sa tiyan ninyong busog sa katiwalian, ay kayo naman sa susunod ang gawing putahe ng mga Chinese at ipalaman kayo sa Siomai, Siopao o kaya ay Pata Tim.

Para sa inyong Sumbong at Reaksyon i-text lamang ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

51

Related posts

Leave a Comment