LEKSYON MUNA, BAGO AKSYON

PUNA ni JOEL O. AMONGO

WALA sigurong kahit sino na nagpa-park sa mga lugar na may kaukulang kabayaran, ang hindi naiinis dahil sa nakasaad na mga kataga o disclaimer na hindi raw responsibilidad ng may-ari ng parking space kung may mangyari o may mawala sa nakaparadang sasakyan.

Hindi na rin bago kung makabasa tayo ng mga salitang katulad ng “park at your own risk”, samantalang tayo naman ay nagbabayad.

Ang nangyaring sunog noong Lunes, Abril 22, sa paradahan sa harap ng NAIA T3 ay isang matibay na halimbawa upang matiyak din dapat ang proteksiyon ng mga nagpa-park ganoon din ang kanilang mahalagang sasakyan.

Bagama’t walang nasaktan o namatay ay 19 na mga sasakyan ang iniulat na natupok ng apoy at sa paunang imbestigasyon ay ang tinatawag na grass fire umano ang sanhi.

Ang auto insurance companies ay mayroong tinatawag na comprehensive insurance policies kung saan ay sakop nito ang mga aksidente o insidente kabilang ang dulot ng puwersa ng kalikasan o “Acts of God”. Ngunit hanggang saan lang ba talaga ang hangganan nito?

Sa nangyaring sunog kahapon ay maaaring dulot ‘yun ng kalikasan dahil sa sobrang init ng panahon.

Ngunit hindi lingid sa namamahala ng parking area n na fire hazard ang natuyong mga damo kaya minarapat dapat nila na agarang tinanggal ang lahat ng pwedeng pagmulan ng apoy bago pinahintulutan na mag-park ang sinoman.

Ang tinatawag na “force majeure” o “Act of God” ay may kaakibat na responsibilidad din sa panig ng mga tao.

Gawin nating isa pang halimbawa ang napakalakas na ulan na nagdudulot ng baha. Sa puntong ito ay hindi kagagawan ng tao ang ulan ngunit naililipat sa tao ang responsibilidad kung tatahakin pa rin niya ang baha gamit ang kanyang sasakyan.

O kaya ay iniwan niya ang kanyang sasakyan kung saan ay batid niya na aabutin iyun ng mataas na tubig baha.

Sa nangyaring sunog, naiwasan sana ang pinagmulan ng apoy kung naging maagap din sana ang namamahala sa parking area.

Sa aking pananaw, hindi ito maaaring tawagin na gawa ng Diyos kundi malinaw na naging kapabayaan ng tao. Kaya ang pananagutan laban sa mga responsable ay dapat manaig.

Ngayon, matapos ang insidente na pagkasunog sa 19 na sasakyan ay sinabi na magpapa-standby ng fire truck sa lugar.

Naiwasan sana ang sunog na iyon kung noon pa ginawa ng gobyerno ng maglagay ng fire truck sa lugar.

Kailangan ba muna magkaroon ng leksyon, bago umaksyon ang ating pamahalaan?

Ano pa ang silbi ng fire truck na inilagay sa pinangyarihan ng sunog? Wala nang may-ari ng sasakyan na paparada pa sa lugar dahil sa insidente. Esep Esep din minsan pag may time.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

45

Related posts

Leave a Comment