LIGTAS SA ‘THE BIG ONE’?

SUSURIIN ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang katatagan at kaligtasan ng nasa 5,900 gusali sa Kalakhang Maynila.

Isiniwalat ito ni DPWH Usec. Maximo Carvajal sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works bilang paghahanda sa malakas na lindol o kung tawagin ay “The Big One.”

Ang nakababahala ay umabot pa lang sa 123 na gusali ang nabusisi at naisaayos ng DPWH sapul noong 2018. Sa nasabing pigura, nasa 4,000 ang school buildings, 351 na health facilities, 1,180 na iba pang pampublikong gusali at 402 gusali ng LGU.

Kapos at gahol na sa oras ang pagbusisi at retrofitting na ginagawa dahil ang lindol ay hindi nahuhulaan kung kailan tatama. Ang kabagalan ay maaaring magdulot ng malaki at malagim na trahedya.

Batay sa pag-aaral na isinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2004, maraming istraktura sa NCR at kalapit na probinsya ay hindi makakayanan ang lakas ng “The Big One” na ayon sa mga eksperto ay maaaring magmula sa Marikina Valley Fault System, partikular ang West Valley fault line.

Aabot sa 52,000 ang maaaring masawi habang kalahating milyon ang nakikitang masasaktan sa “The Big One.”

Ayon sa isang senador, kailangang maamyendahan ang Building Code ng bansa upang makapaghanda sa “The Big One.”

Aniya, masyadong luma na ang kasalukuyang probisyon sa Building Code kaya’t dapat nang palitan at palakasin ito para matiyak ang integridad ng mga gusali sakaling tumama ang isang malakas na lindol sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

Sa susunod na mga araw ay magsasagawa ang Senate Committee on Public Works ng pagdinig tungkol sa mga panukalang naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 6541 o National Building Code of the Philippines na isinabatas noon pang Agosto 1972.

Ang malagim na lindol sa Turkey at Syria ay pumukaw sa mabagal na paghahanda ng bansa sa maaaring idulot ng malagim na kalamidad.

Naluluma ang mga gusali at mga istraktura kaya nararapat ang pagsasaayos, rehabilitasyon at retrofitting upang mapalakas ang katatagan ng mga ito bilang paghahanda sa biglaang kalamidad.

Malaking halaga ng salapi ang ginugugol sa pangangalaga at preserbasyon ng mga gusali, ngunit maliit lang ito sa nakakalulang gastos na gugugulin sakaling masira, mawasak o gumuho ang mga istruktura. Higit sa lahat, hindi kayang bayaran ang buhay na maaring masawi.

Mahalaga ang buhay at kabuhayan kaysa itinayong mga edipisyo at istruktura. Maitatayo muli ang mga gusali, ngunit hindi maibabalik ang buhay ng mga nilalang.

Sana, may natutunan tayong aral mula sa lindol sa Turkey at Syria at maging handa ang taumbayan sakaling yanigin ang bansa ng malakas na lindol.

Ligtas ba tayo sa “Big One”?

138

Related posts

Leave a Comment