ARESTADO sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na South Korean fugitives na wanted ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa serious crimes.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing mga dayuhan ay naaresto sa magkakaibang petsa nitong Pebrero 2023 sa magkakahiwalay na operasyon ng BI’s Fugitive Search Unit (FSU) sa Metro Manila at Pampanga.
Ayon kay Tansingco, ang apat na South Koreans ay ipade-deport dahil sa pagiging undesirable and undocumented aliens, at pagkaka-revoke ng kanilang passport na isinagawa ng gobyerno sa kanila.
“They will also be placed in our blacklist, thus banning them from reentering the country,” banggit pa ni Tansingco.
Unang naaresto noong Pebrero 1 sa San Antonio Village, Pasig City ang 39-anyos nasi Chun Junghoon.
Si Chun ay inisyuhan ng arrest warrant ng Busan district court noong Enero 2020 matapos matuklasan sa pagtatrabaho bilang telemarketer sa isang telecom fraud syndicate na nakapambiktima ng mahigit sa 3 million won o US$3,000 sa pamamagitan ng voice phishing.
Noong Pebrero 4, naaresto naman ng FSU agents ang 44-anyos na si Kim Jingsuk sa Brgy. Anonas, Angeles City, Pampanga, na hinatulan ng district court sa Chuncheon, South Korea sa embezzlement ng halagang 367 million, o US$300,000 mula sa kanyang employer dahil sa ilegal na pagbenta ng 1,300 tons ng imported coal mula Russia.
Arestado rin sa parehong petsa sa Pampanga si Park Geon Jin, 34-anyos, na wanted sa Seoul Seobu District Court sa Korea dahil sa pagiging miyembro ng isang voice phishing organization na nakapanloko ng mahigit sa 7.65 million Korean won simula nang mag-operate sila noong 2018.
Huli rin noong Peb. 8, sa FSU operatives sa Angeles City ang 40-anyos na si Park Kyoungtae, wanted sa Busan dahil sa ilegal na pag-operate ng gambling website simula noong 2020, at pangangalap ng kita sa pamamagitan ng online bets.
Ang mga dayuhan ay kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang nakabinbin ang kanilang deportasyon. (JOEL O. AMONGO)
