LOTTENG QUEEN NG MALABON, NAVOTAS UNTOUCHABLE?

PUNA Ni JOEL AMONGO

MASUSUBUKAN ngayon sa bagong pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung magiging untouchable pa rin itong tinaguriang Lotteng Queen ng Malabon at Navotas na si alyas “Dimple”.

Noong nakaraang Biyernes ay nanungkulan si NCRPO Director Major General Edgar Alan Okubo matapos niyang palitan si Maj. Gen. Jonnel Estomo na ngayon ay bagong PNP Deputy Chief for Operations.

Ipinagyayabang kasi nitong si alyas “Dimple” na kaya untouchable ang kanyang lotteng ay dahil kilala niya at malapit siya kina Malabon City Mayor Jennie Sandoval at Navotas City Mayor John Rey Tiangco?

Alam naman kaya nina Mayor Sandoval at Mayor Tiangco na ginagamit ang mga pangalan nila ni alyas “Dimple”?

Matagal na palang nag-o-operate ang lotteng ni alyas “Dimple” sa Malabon at Navotas kaya naniniwala ang taumbayan na kilala nga niya at malakas siya sa dalawang alkalde.

Bakit kamo? Kung hindi siya malakas ay matagal nang ipinasara ang kanyang ilegal na negosyo ng dalawang magigiting na mga alkalde.

Ngayon malakas siya kina Sandoval at Tiangco, tignan natin kung magiging untouchable pa rin siya sa bagong hepe ng NCRPO na si Maj. Gen. Okubo.

Sa pananalita ni Major Gen. Okubo sa Camp Bagong Diwa, Taguig City sa ginanap na turn ceremony kamakailan, sinabi niyang tututukan niya ang kriminalidad sa Metro Manila kasi nandito ang sentro ng negosyo ng bansa.

Gustong niyang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga awtoridad, loyalty at professionalism ng mga pulis.

Kaya plano niyang ipatupad ang Kapulisan, Simbahan at Pamayanan (KaSimbaYanan) program ng Philippine National Police (PNP).

Layunin nito na dalhin ang pulis palapit sa mga komunidad, hindi ang komunidad ang lalapit sa kanila.

Pinatutukan din ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., kay Okubo ang illegal drugs sa Metro Manila.

Tignan natin kung uubra nga kay Maj. Gen. Okubo ang pagiging malakas ni alyas “Dimple” kina Mayor Sandoval at Mayor Tiangco.

Bigyan natin ng pagkakataon si Maj. Gen. Okubo dahil bagong upo pa lang naman siya, baka hindi niya naman pangilagan ang sinasabing pagiging malakas ni alyas “Dimple” kina Mayor Sandoval at Mayor Tiangco kahit na parehas ang Local Government Unit at PNP na nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

143

Related posts

Leave a Comment