LTFRB PAHIRAP SA OFW

FOR THE FLAG

Ang pamahalaan ay binuo ng mamamayan upang magkaroon ng organisadong pamamahala sa isang teritoryo, sa ating sitwasyon ay ang bansang Pilipinas. Tinawag itong Republika ng Pilipinas dahil ang pamahalaan ay binubuo ng mga taong nagsisilbing representante ng mamamayan.

Nandiyan ang mga opisyal na inihalal ng mamamayan at nandiyan din ang mga opisyal at manggagawang ini-appoint ng ating mga halal sa gobyerno, at mga propesyunal na tinanggap ng ating mga representante sa pamahalaan.

Madalit salita, ang gobyerno ay likha ng mamamayan upang maglingkod sa kanilang mga pangangailangan, interes at mithiin.

Yan ang hindi ko maintindihan kung bakit madalas na ang gobyerno pa mismo ang nagpapahirap sa taumbayan. Saliwa yan sa esensya ng pagka-gobyerno. Hindi naman kasi tayo monarkiya kundi isang republika, kaya hindi ko maunawaan kung bakit marami sa ating mga opisyal sa gobyerno ay akala mo ay mga royalty o dugong bughaw na nilalatayan ng pahirap ang taumbayan.

Isang munting halimbawa na lamang nito ay ang karanasan ng isang overseas Filipino worker na tinatawag kong maam Paz David. Si maam Paz ay bumili ng isang taxi upang makatuwang  sana niya sa pagbuhay sa kanyang mga mahal sa buhay habang siya naman ay naninilbihan sa ibang bansa.

Ang salaping ipinambili niya ay ilang taon din niyang binuno sa ibayong dagat, matinding sakripisyo na malayo sa kanyang pamilya at magpakaalipin sa mga banyaga. Ngunit hindi niya inalintana ito para lamang mabuhay ang kanyang mga mahal sa buhay.

Pagkabili niya sa nasabing second-hand taxi, siya ay puno ng pag-asang kahit papaano ay gagaan ang kanyang pasan-pasan na responsibilidad, ngunit ilang buwan pa lamang ang nakakaraan ay nahuli ang driver ng kanyang taxi na kumuha ng mga pasahero sa lalawigan ng Bulacan noong Hulyo 26, 2018 at tinikitan na out-of-line. In-impound ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanyang taxi sa Pampanga. Hindi na rin nagpakita sa mga kaanak ng kawawang OFW ang driver ng taxi na siya namang may kasalanan kaya na-impound ang taxi.

Willing naman ang OFW na bayaran lahat ng penalties kahit pa nga ang lahat ay kasalanan ng drayber ng taxi na kumuha ng pasahero labas sa ruta na pinapayagan sa prangkisa ng taxi. Ngunit mula Hulyo 2018 ay naghihintay ang mga kaanak ng summons mula sa LTFRB ngunit walang dumarating hanggang noong Oktubre 25, 2018 napag-alaman na may Order na pala kung saan pinagbabayad sina maam Paz ng P120,000, at ang masakit pa nito, bukod sa imposibleng multa ay isinasaad sa Order ang revocation ng rehistro ng taxi at blacklisting ng sasakyan na magamit pa bilang public utility vehicle, at revocation din ng Certificate of Public Convenience ng kanyang taxi.

Agad ay pinatulungan ko sa isang kaibigang abogado ang kaso ng taxi ni maam Paz, na inapila naman ang desisyon ng LTFRB ukol sa taxi niya na may prangkisa naman at hindi kolorum, ni hindi naman din nakadisgrasya kundi dahil sa kagaguhan lamang ng drayber niya na kumuha ng pasahero labas sa lugar na nakadikta sa prangkisa ng taxi.

Ito ang aking tanong kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, Board Member Ronaldo Corpuz, at Atty. Samuel A. Jardin na siyang executive director at officer-in-charge ng legal department ng LTFRB: Makatarungan po ba ang ginagawa ninyo kay Maam Paz David?

Ituwid ninyo yan o baka ma-karma kayo mga sir! (For the Flag / ED CORDEVILLA)

107

Related posts

Leave a Comment