KUNG mayroon kayong reklamo sa mga abusadong justice, judge o prosecutor, maaari n’yo na itong iparating sa tanggapan ng Judiciary Public Assistance Section (JPAS) sa Korte Suprema (KS).
Bubuuin ang JPAS alinsunod sa Memorandum Circular 02-2019 na nilagdaan ni Chief Justice Diosdado Peralta noong Nobyembre 29 na ang layunin ay tiyakin ang “exigency of service and to address the needs of the general public” ng KS.
Direktang nasa ilalim ng kapangyarihan ng tanggapan ng punong mahistrado ang JPAS.
Binubuo ito ng Helpdesk Unit, Hotline Unit at Email Messaging Unit kung saan tatanggap ito ng mga reklamo, sa pamamagitan ng telepono, liham o email.
Haharapin din ng JPAS ang mga taong direKtang maghahain ng reklamo sa nasabing tanggapan.
Ipapasa ng JPAS sa partikular na tanggapan ang ipadadalang reklamo (tulad ng kasong nakabinbin) upang maaksiyunan sa loob ng 15 araw.
Kung reklamo laban sa justices, judges at iba pang opisyal at kawani ng hudikatura, ipadadala ng JPAS ang reklamo sa tanggapan ng punong mahistrado.
Ang Helpdesk Unit ng JPAS ay matatagpuan sa ground floor ng Supreme Court Centennial Building kung saan bukas ito tuwing alas-otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes.
Ang Hotline Unit at Email Messaging Unit ay makikita sa tanggapan ng punong mahistrado.
Ang contact hotline numbers ng JPAS ay 8526-6185, ang tanggapan ng punong mahistrado ay 8552-9644 at ang Help Desk Unit ay 8552-9646.
Ang email address ay chiefjusticehelpdesk@sc.judiciary.gov.ph
Maganda ang hakbang na ito ni Chief Justice Peralta, sapagkat sa ganitong sistema ay makapagrereklamo na ang mga pangkaraniwang tao (kabilang na ang inyong lingkod) laban sa justices, judges, opisyal at kawani ng hudikatura.
Natatandaan ko noon, palaging wala sa oras kung dumating ang huwes sa kanyang opisina sa Manila Regional Trial Court, samantalang siya naman ang nagtakda ng oras at araw ng paglilitis ng kasong libelo o paninirang puri na isinampa laban sa amin ng isang politiko sa Maynila.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / Nelson Badilla)
184