ANG pinsalang iniwan ng bagyong Agaton, bukod pa sa nawalang buhay ng mga residente sa mga lalawigang lubhang binayo ng masamang panahon sa gitna ng tag-init, ay isang patunay na hindi pa rin nabibigyang solusyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga suliraning matagal nang idinudulog sa nasabing ahensya.
Ang totoo, hindi sana umabot sa sukdulan ang pananalasa ng bagyo kung agad na tinugon ng DENR ang problema sa kabundukang nakalbo ng illegal loggers sa naturang mga lugar.
Ang siste, dahil kalbo na, walang punong dapat sana’y kakapit sa mga lupang gumuho.
Ang tagpong nakita noong taong 2006 sa pagguho ng lupa sa Barangay Guinsaugon sa bayan ng St. Bernard, Leyte na ikinamatay ng hindi bababa sa 1,500 katao ay muling sinariwa sa isang pamayanan sa Baybay, Leyte kung saan gumulong pababa ang mga dambuhalang bato at putik patungo sa mataong lugar sa kapatagan.
Hindi naman lingid sa DENR ang problema ng mga kalbong kabundukan. Batid din naman nila ang posibilidad ng mga landslide na dala ng kalbong kabundukan sa tuwing bubuhos ang malakas na ulan.
Nakalulungkot isiping sa loob ng mahabang panahon mula nang gimbalin ang buong mundo sa pagpanaw ng 1,500 kataong nalibing nang buhay sa Barangay Guinsaugon noong 2006, wala pa rin naging matibay na solusyon ang ahensyang nilikha para tiyakin ang balanse ng kalikasan.
Ang masaklap, inaasahan pa ang pagdami ng bilang ng mga pumanaw dahil marami ang hindi pa natatagpuan.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 27 pa ang hinahanap sa Brgy. Bunga, lima sa Brgy. Can-Ipa at isa sa Brgy. Guadalupe, pawang sa bayan ng Baybay. Nanalasa ang bagyo sa Eastern Visayas, Western Visayas, Central Visayas at Davao region. Pinakamarami ang namatay sa Samar at Leyte, Eastern Visayas na umabot sa 151. Umabot naman sa 562,548 pamilya ang apektado ng bagyo. Nasa 209,162 katao ang nasa 959 evacuation centers.
Isa lang ang malinaw – masusundan pa ang malagim na insidente sa bayan ng Baybay at sa iba pang lugar na lubhang binalahura ang kalikasan hangga’t walang naninindigang opisyal ng pamahalaan sa kanilang tungkuling sinumpaan.
Inutil na nga ba talaga ang DENR na kung tutuusin ay may sapat na kakayahan at pondong pwedeng gamitin para tuldukan ang paglapastangan sa
kalikasan?
Eh kung buwagin na lang kaya ‘yan… wala rin lang naman silbi ‘di ba?
91