MAGING MAINGAT AT MAPANURI PARA MAIWASAN ANG MGA SCAM

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

TALAGANG mas pinadali ng digitalisasyon ang marami sa ating mga araw-araw na gawain kagaya ng pagbili ng mga kailangan natin at maging ang pagbabayad ng ating mga bill online.

Pero dala na rin ng madalas nating paggamit ng online channels, hindi na rin natin masyado naiisip na mag-ingat sa mga transaksyong ginagawa natin. Napakahalagang paalalahanan ang ating mga sarili at mga mahal sa buhay na maging mapanuri at palaging i-check ang mga transaksyon para makaiwas sa panloloko.

Isa itong napapanahong paalala lalo ngayong Kapaskuhan dahil sigurado marami na namang mga “sale” hindi lamang sa mga mall, pati na rin sa online shopping channels.

Ayon sa kakalabas lamang na 2023 Asia Scam Report, nasa 35.9 na porsyento ang rate ng online shopping scam sa Pilipinas, ang pinakamataas sa listahan ng 11 bansang kasama sa pag-aaral.

Shopping scam ang isa sa 9 na kadalasang senaryo ng panloloko na ginagamit ng mga online scammer sa bansang sakop ng survey na kinabibilangan rin ng China, Hong Kong, Indonesia, Japan, Malaysia, Singapore, South Korea, Taiwan, Thailand at Vietnam.

Kasama rin ang identity theft, investment scam, government o bank scam, job scam, lottery scam, family at relatives scam, bill payment scam at charity scam sa iba pang paraan ng panloloko na bahagi ng report.

Kadalasang idinadaan ang panloloko sa mga text message, social media, o online. Ayon naman sa mga na-survey na Pilipino, kadalasang nabibiktima ng scam ang mga agarang tumutugon sa demand ng scammers, o kaya yung mga naaakit sa special o magagandang offers.

Kaya talaga namang kailangan dagdagan pa ang pag-iingat dahil alam naman natin, dumarami ang mga manloloko kapag alam nila na may pera ang mga tao. Ito rin ang paalala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC na nagsabing base sa kanilang obserbasyon, sinasamantala ng mga scammer ang panahon ng Kapaskuhan para makapanlinlang ng kapwa.

Pero sa palagay ko, dapat na nating isabuhay ang pagiging maingat, mapanuri, at mapagmatyag sa mga ganitong mga senaryo dahil talaga namang bahagi na ng buhay natin ngayon ang paggamit ng online channels.

Katulad ko at marami sa aking mga kakilala at mahal sa buhay, dahil sa dalang ginhawa at bilis sa paggawa ng transaksyon online, marami sa mga gawain ay dito ko na idinadaan – shopping, pagbayad ng mga bill, pagbili ng pagkain, at pati na rin ang pamasahe sa biyahe sa araw-araw.

Mayroon din namang mga ginagawang paraan ang mga miyembro ng online ecosystem para magdagdag ng seguridad at maiwasang maloko ang mga mamimili. Sa shopping, halimbawa, kapag gagamit ka ng credit o debit card, mayroong ipinapadalang one-time pin para masigurong ikaw ang gumawa ng transaksyong iyon.

Pero kailangan talaga ng ibayong pag-iingat sa pagpili kung saang channels tayo makikipag-transaksyon. Kahit pa lehitimo ang online apps, mayroon ding mga nagbebenta rito na nanloloko ng tao. Maaaring i-check ang reviews, o kaya pumili ng opisyal at mas kilala o nagamit na ng kakilala para maiwasang maloko. Magandang paalala rin na kailangan natin palaging isipin na kung masyadong mura kumpara sa kung ano ang totoong presyo o sa kung magkano ang alok ng ibang nagbebenta, maaaring hindi ito lehitimo.

Nabasa ko lang rin kamakailan na naglunsad ng website na www.scamwatchpilipinas.com kung saan maaaring i-report ang mga insidente ng online scams para makarating sa pamahalaan. Naka-link ito sa Inter-Agency Response Center ng CICC na naglalayong solusyunan ang mga insidente ng scam at iba pang cybercrime.

Makiisa tayo sa paglaban sa mga scammer. Bukod sa pag-iingat, pagpapaalala sa ating mga mahal sa buhay, tumulong din tayong mag-report para wala nang mabiktima pa ang mga manlolokong ito.

97

Related posts

Leave a Comment