KALIWA’T kanan ngayon ang mga biyahero at mga biyahera. Laking pasasalamat din ng marami dahil sa Semana Santa ay marami ang makakapagbakasyon at magkakaroon ng bonding na tinatawag para sa taong malalapit sa atin.
Ngayong panahon ng bakasyon at kahit pa matapos ang Semana Santa ay sana hindi makalimot ang marami sa atin sa kanilang mga responsibilidad lalo na para sa Inang Kalikasan.
Sigurado tayo na sa ganitong panahon ay mas marami ang magpupunta sa dagat o saan mang uri ng pwedeng paliguan para maging masaya kasama ang pamilya, mga kaibigan at masulit nang husto ang bakasyon habang may oras pa.
Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang mga nangyayaring malawakang paglilinis sa Manila Bay, halimbawa, maging ang mga konektadong mga ilog at estero nito. Masyadong mabigat na ang problema natin sa basura na tayo rin naman ang gumawa nito. Tayo pa rin naman ang magpapanatili nito sa kaayusan din nito kaya dapat ay may pag-uugali na pagiging malinis.
Sana naman sa ganitong masayang pagsalu-salo ng ating mga mamamayan saan mang sulok ng bansa ay huwag nilang kalimutang ayusin o linisin ang mga lugar na kanilang pinuwestuhan. Tanggalin ang mga kalat at huwag itong iwan lalo na sa dagat upang ang ibang nabubuhay at itsura ng mga tanawin ay hindi masira nang dahil lamang sa kapabayaan.
Huwag sana nating kaligtaan na magdala tayo ng mga naaayong lagayan ng mga basura upang maitapon ito sa tamang lagayan. Isama ito sa mga listahan na dapat tandaan at dapat gawin bago ang mismong kasiyahang gaganapin.
Sa pagbabakasyon ay huwag lang nating isipin ang ating mga pansariling kapakanan, bagkus ay may pagkalinga tayo sa iba kahit pa sabihin nating may tagalinis o tagapangasiwa sa isang partikular na lugar. Ang pagiging malinis sana nating Filipino sa katawan, kung saan tayo kilala, ay dapat kalinisan ding dinadala hanggang sa kalikasan.(Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
110