MAGKAISA NA!

FOR THE FLAG

Ang 30th Southeast Asian Games (SEA Games) ay magandang oportunidad upang magkaisa na ang taumbayan, wala na ‘yang mga kulay-kulay, ideyolohiya at relihiyon.

Iisang tinubuang bansa lamang naman tayo. Bakit kailangang magkawatak-watak? Upang humina, upang mamanipula.

Panahon na ng digmaan para sa pagbabago. Digmaan laban sa droga, nandiyan na ‘yan. Digmaan kontra korapsyon nandiyan na rin ‘yan.

Kailangangang makipagdigma laban sa kahirapan, laban sa mal-edukasyon, laban sa malnutrisyon at laban sa mataas na halaga ng mga basic utility.

Wasakin na ‘yang mga nakasanayang nagpapahirap sa taumbayan. Buksan na ang mga mata ng mamamayan na sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa magkakaroon ng tunay na pagbabago sa Pilipinas.

Ang 100 milyong Filipino ay malaki ang magagawa upang i-revolutionize ang pag-angat ng antas ng buhay sa bansa. Malaki na ang itinatapon ng bawat isa sa bulsa ng iilan. Magkaisa na sa likod ng pamahalaan, marami na ring mga rebelde ang nakikiisa na sa pamamagitan ng pagsuko at pakikipagkooperasyon sa administrasyon.

Hindi na uso ang pananahimik lalo na ngayong may social media. Lahat ay maaaring maging aktibong participant sa pagwangis sa ating demokrasya sa hugis ng ating minimithing kalayaan mula sa pangil ng eksploytasyon ng iilan.

Huwag na masyadong iasa lahat sa pamahalaan o sa simbahan o sa mga organisasyon. Ang kapangyarihang baguhin ang ating tadhana ay nasa sa kamay ng bawat isa. Tama na sa “low intensity conflict” na istratehiya ng mga nagmamanipula sa ating lipunan at kapuluan. Buking na naman ang mga puppet master na ito at ang kanilang mga puppet.

Ang yaman ng Pilipinas ay para sa bawat Filipino at hindi para sa iilan lamang. Kailangang maramdaman na iyan ng bawat Filipino, at hindi na dapat payagan ang pagkakawatak-watak upang papanatilihing alipin ang mga mamamayan sa sarili nilang bansa.

Magkaisa na! Hayan na ang mga gintong medalya, hayan na rin ang ginintuang bukang-liwayway ng pagbabago! (For the Flag / ED CORDEVILLA)

285

Related posts

Leave a Comment