MAHABA PA ANG TAG-INIT

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

LAMAN ng balita nitong mga nakaraang araw ang mapanganib na heat index na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Babala pa nga ng PAGASA, mas titindi pa ito sa mga paparating na araw.

Sigurado, kanya-kanya nang diskarte kung paano malalabanan ang matinding init at sa puntong ito, siguro naman alam na nating lahat ang kahalagahan na maging maingat lalo na’t wala naman tayo talagang kontrol sa panahon

Kapag ganitong panahon, mapapadalas ang paggamit natin ng cooling appliances kagaya ng mga aircon at electric fan. Nauuso nga ang mga pahayag sa social media na hindi na baleng magbayad ng mahal sa kuryente kaysa magbayad sa ospital dahil tiyak na mas mahal pa ang aabutin nito.

Aktibong isinusulong ng pamahalaan at mga distribyutor ng kuryente ang matalino at masinop na paggamit pa rin ng kuryente. Mismong si Pangulong Bongbong Marcos nga, nagpaalala na rin dahil makatutulong ito para naman maaalalayan natin ang demand sa kuryente at maiwasan ang mga pagkaantala ng serbisyo o brownouts.

Nito kasing nakaraang linggo, sunud-sunod ang pagdedeklara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng Red at Yellow alerts sa Luzon at Visayas.

Ilang beses na ito nabanggit sa balita pati na rin sa social media pero tila ba hindi pa rin alam ng maraming konsyumer ang ibig sabihin nito.

Kapag nasa Yellow Alert ang ano mang grid, ibig sabihin ay manipis ang suplay ng kuryente kaya kailangang bantayan mabuti. Kapag Red Alert naman, ito na ang ikinababahala nating mga konsyumer, dahil kulang na ang suplay para punan ang demand sa kuryente, posibleng magka-brownout.

Pero ang gusto lang naman talaga nating malaman — apektado ba tayo? Gaano katagal ang brownout? Kasama na rin dyan ang reklamong kung kailan sobrang init, ngayon pa nagkaganito.

Totoo naman eh, dahil sa kabila ng paghahanda para mabantayan at matugunan ang mga pagsubok na dala ng mainit na panahon, hindi pa rin maiwasan na magkaroon ng aberya.

Maswerte pa rin tayong mga nasa Luzon. Kung nagkaroon man, sandali lamang ang naging brownout at kaunting lugar lamang ang apektado sa kabila ng bantang magkaroon ng rotational power interruptions.

Ayon sa Meralco, ang distribyutor ng kuryente sa Metro Manila at mga karatig-probinsya, kinakaya namang itawid ang kakulangan sa inaasahang kakailanganing suplay nitong mga nakaraang araw kaya walang malawakang brownout.

Pero dahil ito sa bayanihan at pakikipagtulungan ng mga customer na may malalaking konsumo kagaya ng mga pabrika, hotel, at mga shopping mall. Sa ilalim kasi ng programang ipinatutupad ng Meralco, ginagamit muna ng mga customer na ito ang kanilang sariling generator set para naman hindi na nila kailangan kumuha ng suplay sa Meralco at mabawasan ang demand. Sa ganitong paraan, ano mang suplay meron ay nararasyon sa ibang konsyumer kaya nga laking pasasalamat ng kumpanya sa mga customer nitong nakiisa para malampasan ang mga Red Alert nitong nakaraang buwan.

Salamat talaga sa kanila dahil kung hindi, baka napakarami sa atin ang tumodo na ang init ng ulo sa kakapaypay at kakahanap ng paraan na maging komportable kung nawalan man ng kuryente.

Pero, dapat din nating isipin na ganito ba talaga tayo tuwing tag-init? Hindi ba tayo mapapanatag na ano mang panahon, hindi tayo magkakaroon ng problema sa suplay ng kuryente?

Nakababahala lang talaga na Abril pa lang, ganito na ang sitwasyon. Paano na sa mga paparating pang mga araw kung kailan inaasahang titindi pa ang tag-init.

Handa ba talaga ang pamahalaan sa pagsiguro na maibigay sa ating mga Pilipino ang serbisyo at suportang dapat naman nating nakukuha? Nababahala ba sila o papabayaan na lang ba nila tayo dahil lilipas rin naman ito?

116

Related posts

Leave a Comment