VISA UPON ARRIVAL DAPAT IMBESTIGAHAN

BISTADOR ni RUDY SIM

MATAPOS na isiwalat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaugnay sa secret agreement umano ng nakaraang administrasyon sa China, ay planong imbestigahan ng pamahalaan ang dahilan ng paglobo ng bilang ng Chinese nationals sa bansa.

Isa sa titingnan umano, ayon sa ating source, ay kung nagkaroon ng katiwalian ang dating namumuno sa Bureau of Immigration (BI) na si Commissioner Jaime Morente, sa pagpapasok ng mga Chinese gamit ang Visa Upon Arrival (VUA) na proyekto noon ng Department of Tourism (DOT).

Namayagpag noon ang ilang tiwaling mga opisyales ng BI partikular sa airport, na naging dahilan ng kanilang biglaang pagyaman kasabwat ang isang Chinese national na nagpapatakbo ng isang malaking travel agency sa bansa na nakabase sa Binondo, Manila.

Sa pamamagitan ng isang travel agency ay umaabot sa 3 hanggang 5 libong Chinese na involved sa POGO, ang nakapapasok kada araw sa airport.

Ito pa lang sa history ng BI, na ang dayuhan ay kaya umanong tawagan ang dating Commissioner kahit hatinggabi kapag nagkaroon ng aberya ang kanyang mga pasahero sa airport.

Saan kayo nakakita ng isang dayuhan na kayang kontrolin ang pagpapatakbo ng pagpasok ng mga Tsekwa at tila alipin ng kanyang salapi ang ilang mga tauhan sa airport, upang maging sunod-sunuran sa kanya kahit maliwanag pa sa sikat ng araw na ‘qualified trafficking in persons’ ang ginagawa ng dayuhang may-ari ng isang travel agency.

Dapat bantayan ngayon ng pamahalaan kung nararapat bang mapawalang sala ang dayuhang ito na hanggang sa kasalukuyan ay may kasong kinahaharap sa Sandiganbayan, na halatang pinagaan na lamang sa “bribery” at “corruption of public officials” imbes na “human trafficking” na siyang nakikita ng NBI.

Lantaran noon kung makita ng mga kawani ng ahensya, maging ako, kung paanong ang dayuhang may-ari ng travel agency na ito ay direktang pumapasok sa tanggapan ng mga opisyales ng BI dala ang suhol na pera at mamahaling brand ng damit.

Malakas ang loob ng Tsekwang ito dahil lagi umanong ipinagmamalaki nito ang kanyang koneksyon na sa kanyang paniniwala ay isa siyang ‘untouchable’.

Sa anim na taon ni Morente ay hindi ito natinag sa BI kahit na nasangkot noon ang kanyang dalawang deputy commissioner na sina Al Argosino at Michael Robles makaraang tumanggap ng P50 milyon mula kay gaming tycoon Jack Lam upang pakawalan ang 1,316 illegal Chinese workers na nahuli sa Lam’s Fontana Resorts and Casino sa Clark Field, Pampanga.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

61

Related posts

Leave a Comment