MAHARLIKA INVESTMENT FUND WALA SA TIMING?

 DPA Bernard taguinod

PARANG wala sa timing ang Maharlika Investment Funds na ipinipilit ng gobyernong Marcos dahil sa ngayon, maraming bansang may ganitong investment projects ang nagkandalugi.

Ang Norway na may pinakamalaking sovereign investment funds sa buong mundo ay nawalan ng 1. 637 billion Norwegian kroner (o katumbas ng $164 billion) noong 2022.

Nalugi rin ng 97.3 billion euro ang The Netherland sa kanilang sovereign investment funds noong 2022 na karagdagan sa 115.6 billion euro sa buong taon noong 2021 dahil sa paghina ng world currencies.

Maging ang Hong Kong ay nawalan ng HK$202.4 billion noong 2022 na isinisi rin sa Covid-19 pandemic at maging sa giyera sa Ukraine, habang $28.4 billion naman ang nawala sa South Korea.

Ilan lamang ito sa mga bansa na umaaray dahil sa matinding pagkalugi sa kanilang foreign investment funds kaya mukhang wala sa timing na papasukin ito ng Pilipinas ngayon.

Kahit sabihin pa ng mga nagsusulong na pahupa na ang COVID-19 pandemic, hindi pa rin garantiya na kikita ang ilalagak na puhunan sa MIF na ito dahil nasa gitna pa ng giyera ang Ukraine.

Nagbabanta rin Amerika na sa 2025 ay malamang ay lusubin na ng China ang Taiwan kaya kahit tuluyang mawala na ang COVID-19 na pinagkakitaan ng mga ganid sa salapi, ay wala pang kasiguraduhan na lalago ang ipupuhunan sa MIF kapag ipinilit natin ito sa panahong ito.

Tulad ng plano ng Pinas, namumuhunan ang mga bansang ito sa mga proyektong malaki raw ang kita tulad ng gas projects, infrastructure projects, pero lugi nga ang nabanggit nating mga bansa noong nakaraang taon, at walang kasiguraduhan na makaabangon sila ngayong 2023.

Ngayon gusto natin sundan ang yapak ng mga bansang ito kaya anong garantiya na kikita tayo lalo na’t hindi pa kalmado ang buong mundo dahil sa iba’t ibang problema.

‘Yung mga sinasabi ng mga lider ng bansa na kesyo interesado ang Japan sa MIF, tumigil nga muna kayo. Mga dakila at magagaling na negosyante na pulitiko ang backers ng panukalang ito pero siguro mas magaling sa kanila ang Koreano pero nalugi pa rin sila eh.

Saka hindi pa malinaw kung saan kukunin ang pondong ng MIF dahil ‘yung plano nila na huhugutin ito sa mga assets ng gobyerno na ibebenta, may garantiya ba na maibebenta ang mga ito sa makatarungang presyo?

Baka sa pagmamadali ng gobyerno na magkaroon ng puhunan ay ibenta naman nang palugi ang mga assets kaya dobleng dagok ito sa sambayanan lalo na kung malulugi ang papasuking negosyo.

Saka wala pa yatang negosyo na hinahawakan ng gobyerno ang kumita dahil ang lalaki ng suweldo ng mga opisyales at karaniwan sa kanila ay walang alam sa pagnenegosyo. Kaya nga marami na tayong assets ang ibinenta dahil hindi nga kumikita eh. Kayo talaga oh.

 

340

Related posts

Leave a Comment