MAKABAYAN, BULLY O ‘TRAPAL’?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMI ang na-badtrip sa gimik ng ilang senador na nagsuot ng West PH Sea’ T-shirts sa laban ng Gilas Pilipinas kontra China sa FIBA World Cup.

Hindi nagpaligoy-ligoy ang mga asar na asar at nabwisit na Pinoy sa pagpapahayag ng kanilang pagbatikos sa social media.

Malayo anila ang basketball sa issue ng West Philippine Sea.Tila nilagyan ng pulitika ng ilang senador ang FIBA at ginawang pang-asar ang T-shirt na may tatak ng pangalan ng pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas at Tsina.

Ang pinakamalupet na bira ng mga netizen sa tinawag nilang pakwelang mga senador ay hanggang “t-shirt lang ata ‘tong mga to”. Ibig sabihin, pakitang tao na ang pinatutungkulan ay ang pagiging tahimik ng mga senador sa pambu-bully ng China sa mga Pilipinong mangingisda sa WPS lalo na noong nakalipas na administrasyon.

Agad namang sumaklolo si Senador Francis Tolentino at ipinagtanggol ang gimik ng kanyang mga kasama. Wala umanong masama sa nagpapakita ng kanilang personal political belief na atin ang West Philippine Sea kahit sa laban sa FIBA.

Iyon din daw ay paraan ng kanyang mga kasamahan para ipakita ang unity.

Wala bang ibang senador na naglakas-loob na tapikin sa balikat ang mga kasamahang nagsuot ng WPS shirts at kahit pabulong man lang ay sinabihan ng “ba’t nyo ginawa ‘yan?”

Ngunit hanggang saan at kailan ipakikita ng mga senador ang kanilang personal na paniniwalang pulitikal na sa Pilipinas ang WPS?

Baka pagdating na sa kanilang venue sa Senado ay tiklop na naman ang mga ito.

Kung tunay na sila ay makabayan at may tapang ay pangatawanan nila. Ipahayag at ipaglaban nila ito sa sarili nilang pook, hindi sa basketball court o sports venue.

Kung para pasiglahin lang ang diwa ng Gilas Pilipinas, lalabas ang ibang intensyon.

‘Di naman kasi kailangan ng Gilas ang WPS shirt para ganahan sa paglalaro. Mas matindi pa rin ang suporta, hiyawan ng mga Pinoy para umangat pa ang kanilang diwa.

Anong pake ng Gilas sa usaping WPS kung ang kanilang atensyon ay nakatuon sa kritikal na sitwasyon at misyon para makahirit ng tsansa sa Paris Olympics.

Sa kampanya ng Gilas. may mga politikong gustong magpakitang-gilas.

Ang tanong tuloy ng taumbayan, tunay ba silang makabayan? Bully? O ‘trapal’? Iyon bang trapong epal!

*MINIMUM WAGE CHALLENGE SA DTI*

SAPAT na raw ang minimum wage para sa pamilyang may limang miyembro. Ito ang pahayag kamakailan ni Trade Secretary Alfredo Pascual, na inulan na naman ng mga batikos at reaksyon sa social media.

Hindi rin ito katanggap-tanggap sa isang mambabatas.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, “detached” sa reyalidad ang pahayag ng DTI secretary.

Pwede nga bang pagkasyahin ang minimum na kinikita para sa lima ang tiyan na gustong magkalaman? Sa pagkain pa lang ‘yan. Hindi lang naman isusubo sa bibig ang pinagkakagastahan ng bawat pamilya. Hindi na kailangang isa-isahin at idetalye ang mga pangangailangan.

Hinamon tuloy ni Manuel ang mga opisyal ng DTI, kasama ang gabinete ni Marcos Jr., na danasing mabuhay sa minimum wage sa loob ng isang buwan.

Isang buwan? Kalbaryo na ‘yan sa mga espesyal, may pribilehiyo, may posisyon at kapangyarihan.

Kaya dapat maging maingat sa statements na inihahayag, paalala ni Manuel. Hindi ito ang una na may mga binabanggit na ang dating ay parang detached ang mga opisyal sa reyalidad ng nagpapakahirap na mga Pilipino.

Iyon nga lang kapag nagipit ay dinadaan nila sa palusot.

Ito ang klasik na sampol. Nang ipaalala ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro kay Pascual ang pahayag nito hinggil sa posibleng alternatibo sa bigas, ang tugon ni Pascual ay na-misreport ‘yung sinabi niya, at misinterpreted.

Pamilyar na alibi na ‘yan. Gasgas na.

Dami kasing kapalpakan at sablay ng pamahalaan.

288

Related posts

Leave a Comment