MAKATI VS TAGUIG

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

MALALIM ang hugot ng hidwaan sa pagitan ng pamahalaan ng Makati City at Taguig City. Dalawang mabigat na pamilya pulitikal ang namamayani sa dalawang lungsod.

Kung ating ihahambing ang labanan na ito, para itong sikat na serye noon sa telebisyon na pinamagatang “The Game of Thrones”. Ang isa ay ang kapangyarihan ng mga Binay ng Makati at sa kabilang ibayo naman ay ang kaharian ng mga Cayetano.

Matatandaan, ang unang salpukan ng dalawang pamilya ay nag-ugat noong 2013 nang magsalita ang pamunuan ng Makati City sa ilalim ni dating Mayor Junjun Binay at inaangkin ang Bonifacio Global City (BGC), na tumatapat bilang sentro ng komersyo tulad ng Makati, kasama ang mga barangay na nakapaligid dito, na ito ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Makati City, at hindi ng Taguig City.

Pinabulaanan ito ng pamunuan ng Taguig City kung saan ang mayor nila noon ay si Lani na asawa ng dating senador na si Alan Peter Cayetano

Nagpalitan ng mainit na batuhan ng salita ang dalawang lungsod at minsan ay umabot sa pisikalan mula sa mga tauhan ng magkabilang panig.

Dahil dito, naglabas ng kautusan ang Court of Appeals na tumigil ang dalawang panig sa pagbibigay ng mga pahayag o komento na may kaugnayan sa nasabing isyu habang nililitis ang kaso.

Subalit binalikan ng mga Cayetano ang mga Binay nang magpatawag noon si dating Sen. Alan Peter Cayetano ng imbestigasyon sa umano’y malaking anomalya sa konstruksyon ng Makati City Hall at iba pang mga proyekto roon. May hawak si Cayetano na matitibay na mga ebidensya ng posibleng korapsyon sa paggawa ng nasabing gusali.

Matatandaan, noong mga panahon na iyon ay may ambisyon ang kanilang ama na si Jejomar Binay na tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas. Kasalukuyang bise presidente siya noong mga panahon na iyon.

Ang sunod-sunod na paglabas ni Cayetano ng mga ebidensya laban sa mga Binay na nadawit sila sa malaking anomalya sa mga kontrata sa Makati, ay nagresulta sa pagkatalo ni dating VP Binay sa pagkapangulo. Dagdag pa rito ay ipinagpatuloy ng Office of the Ombudsman ang kaso laban kay dating Mayor Junjun Binay dahil sa mga ebidensya ng korapsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno. Pagkatapos ng pag-aaral ng mga ebidensya mula sa imbestigasyon sa Senado, naglabas ng kautusan ng diskwalipikasyon laban kay Junjun Binay ‘from holding public office’ dulot ng kasong korapsyon sa konstruksyon ng Makati Science High School. Noong Enero 2020, pinanigan ng Court of Appeals ang sentensya ng Ombudsman laban kay Binay.

Hindi biro ang pinagtatalunan ng Makati at Taguig. Mahigit 729.15 hectares ang sinasakop ng BGC at mga barangay na nakapaligid dito. Bukod sa malaking buwis na nakokolekta sa nasasakupan ng kaso, malaking halaga rin ang daang libong mga botante na nakatira sa nasabing mga barangay na kamakailan ay nasa ilalim ng Makati City. Malaki ang kawalan ng mga botong ito para sa pamilya Binay.

Pinalakas pa ang posisyon ng Taguig City nang maglabas ang Korte Suprema ng desisyon na kinakatigan ang Taguig bilang tunay na may-ari ng BGC at ng sampung barangay na nakapaligid dito.

Sumiklab muli ang iringan ng Taguig at Makati nang magkaroon ng gusot sa pamamahala ng 14 na pampublikong mga eskwelahan sa mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo. Ang nasabing mga paaralan ay nasa ilalim ng Makati City na ngayon ay mapupunta na sa Taguig. Kaya naman pumasok ang DepEd upang magkaroon nang maayos na pag-turnover nito sa Taguig.

But wait, there’s more!

Dahil sa desisyon ng Korte Suprema, naglabas na rin ng kautusan ang Comelec na ang nasabing sampung barangay na dating nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Makati, ay mapapasailalim na rin sa Taguig City sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. Naku! Naloko na!

Hindi naman kaila sa atin na malakas ang impluwensyang pulitikal ng barangay at SK election. May mina-manok ang mga politiko sa nasabing halalan. Ano na ang mangyayari sa mga bata ng mga Binay na inalagaan nila ng ilang dekada sa nasabing mga barangay na ngayon ay nasa ilalim na ng pamahalaan ng Taguig?

Labing-tatlong barangay ang nasa ilalim ng 2nd district ng Makati. Sampu dito ay mapupunta na sa Taguig. May mahigit na 248,503 botante ang nasabing distrito. Ang kanilang congressman ay si Rep. Luis Jose Campos Jr. Ang kasalukuyang mayor ng Makati na si Abigail Binay ang dati nilang kongresista. Malaking kawalan ito para sa pamilya Binay.

Nakasisiguro ako na madaling ligawan ng mga Cayetano ang mga lider at botante ng ‘Embo area’.Wala nang mapupuntahan ang mga lider ng nasabing mga barangay upang makahanap ng tulong at kalinga. Alam naman natin na talagang hawak ng Cayetano ang Taguig. Subalit maaaring pagkakataon din ng pamilya Tinga, na dating humawak ng Taguig, upang makuha ang suporta ng nasabing mga barangay.

Hay naku! Marami pang mangyayaring isyung pulitikal dulot ng kaganapang ito. Abangan!

203

Related posts

Leave a Comment