MALAKAS NA EKONOMIYA PERO MAHINA ANG BULSA

USAPANG KABUHAYAN

Bumabagal daw ang paglaki ng ekonomiya ng buong mundo dahil sa epekto ng mas mabagal na ekonomiya ng malalaking bansa at ang trade war ng Amerika at Tsina.

Pero kahit na bumagal man ang akyat ng ekonomiya ng buong mundo ay matibay naman daw ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa nakatayo ito sa matibay na pundasyon ng malinaw na patakaran tungkol sa kalakalan, supply ng pera at katatagan laban sa anumang problema ng mga ekonomiya ng ibang bansa. Ito ang naging resulta ng pag-aaral ng think tank na Oxford Economics na nakabase sa Britanya.

Ayon sa Oxford Economics, kasingtibay ng ekonomiya ng bansang India ang ekonomiya ng Pilipinas. Ang India ang bagong paborito ng mga kapitalista dahil sa naging lakas ng IT at high-tech industries dito. Gaya ng Pilipinas, mura ang pasweldo sa mga empleyado doon at malakas din ang demokrasya.

Natatakot kasi ang maraming ekonomista sa mundo na muling magkakaproblema ang ekonomiya ng maraming bansa dahil sa mga senyales ng recession o pagliit ng ekonomiya. ‘Pag lumiit ang isang ekonomiya ay may mga bumabagsak na mga negosyo at daan-libong trabaho ang nawawala sa bawat bansa gaya ng nangyari noong global economic crisis noong 1996 at 2007 na sinasabing nalusutan ng Pilpinas dahil sa mga dolyar na pinapadala ng ating mga OFWs at ang matibay na industriya ng bangko sa bansa.

Pero sa totoo lang, kahit na masabi pa ng mga eksperto na matibay ang ating ekonomiya ay maraming reklamo ng pag-igsi ng kanilang kumot o ang pagnipis ng kanilang mga pitaka sa gitna ng sunud-sunod na mga taas-presyo ng mga bilihin at maging ng gasolina.

May mga sektor ng ating lipunan na mabigat ang epekto ng mga ganitong pangyayari gaya ng mga magsasaka at ng mga ordinaryong empleyado. Kaya naman dapat maging mas mabilis tumugon ang pamahalaan sa mga hinaing para hindi lumala ang kahirapang nadarama ng taumbayan.

Isang senyales na gusto ng taumbayan ng matibay na pamahalaan ay ang mga lumalabas na survey ng mga maaa­ring iboto na senador ng mga botante sa darating na eleksyon. Imbes na pumili ng mga kandidatong lalaban sa nakaupong administrasyon, marami ang pumipili ng mga datihan ng nakaupong senador na kilala na ang likaw ng bituka sa pagiging konserbatibo at mga kandidato ng administrasyon.

Kung inis na inis na kasi ang mga botante sa nakaupong administrasyon ay mapipili ang mga kalaban ng kasalukuyang pamahalaan para mas gisahin ang mga patakaran nito, lalo na sa mga isyung tungkol sa kapal ng laman ng ating mga pitaka. (USAPANG KABUHAYAN / BOBBY CAPCO)

207

Related posts

Leave a Comment