MALAMPAYA FUND AT MERALCO BILLS

FOR THE FLAG

Nararapat lamang na pakinabangan na ng taumbayan ang Malampaya Fund kaysa kung anu-ano pa ang iniisip ng pamahalaan na paggagamitan dito.

Daan-daang bilyong piso ang nakokolekta riyan baka hindi naman kalabisan na ipangsagot na ‘yan sa ating mga bill sa kuryente. Huwag nang masyadong pag-isipan kung saan tutustusin ang salaping ‘yan, ipang-sagot na ‘yan bilang subsidy sa maximum 30% ng Meralco at electric bills ng lahat ng kabahayan sa buong Pilipinas.

Sa paraang ‘yan ay mas may pakinabang ang taumbayan kaysa kung saan-saan pa napupunta ang pondo na kadalasan ay naibubulsa lamang ng iilan. Maaalalang diyan din galing ang ilang bilyun-bilyong pondo na kinurakot ni Janet Napoles at ng kanyang mga kasabwat sa pamahalaan.

Pihadong matutuwa ang taumbayan kapag ipinang-subsidize and pondong ‘yan mula sa Malampaya Fund. Sino ang malulugi? Wala! Nakaani pa ng magandang precedent upang ang mga pondo ng pamahalaan ay direktahan nang mapakinabangan ng bawat mamamayan.

Malaki na ang salaping mula sa Malampaya na nauwi lamang sa wala. Tama na, sobra na. Ibigay na ‘yan direkta sa taumbayan, total kanila naman talaga ‘yan, nagmula ‘yan sa lupain at karagatan ng mga Filipino.

Nasa 25 milyon ang pamilya sa bansa. Iyang 25 milyong mga pamilyang ‘yan ang nag-mamay-ari ng Malampaya Fund. Sila na ang gugugol sa salaping ‘yan sa pamamagitan ng pagsagot sa bahagi ng kani-kanilang Meralco o electric bill. Ang Pilipinas ang may pinakamalaking binabayaran sa kuryente sa buong daigdig.

Marami pang langis na matatagpuan sa Pilipinas. Sa Liguasan marsh lamang kung nasaan ang kuta ng mga Moro Islamic Liberation Front ay nasa $1 trilyon ang halaga ng langis na matatagpuan doon, ito ay ayon na rin sa mga ginawang estimate ng Estados Unidos.

Ibig sabihin, nasa higit P50 trilyon ang nasa Liguasan marsh, higit 10 taon na ng national budget ng Pilipinas ‘yan.

Kung dedesisyunan ng taumbayan na paghati-hatian na lamang ang salaping ‘yan, aba milyonaryo ang bawat pamilyang Filipino.

Ito ang linya na dapat sundin natin sa kapakinabangan sa ating mga kayamanan na nasa buong kapuluan. Kapag napasakamay na natin ang lahat ng langis na ‘yan at ang pondong malilikom natin mula sa mga kayamanang ‘yan, hindi malayong kayanin na ng Pilipinas na imodernisa ang buong bansa. Isang bansang naka-wifi, may makabagong public transportation system, state-of-the-art na mga gamit para sa ating Sandatahang Lakas, at kung anu-ano pa. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

119

Related posts

Leave a Comment