MANIPULASYON ANG PROBLEMA

HINDI lang magaling magpaiyak ang sibuyas. Nagagawa nitong magmura ang mga tao gawa ng mahal na presyo, at inakit din nitong sumawsaw ang ilang mambabatas at politiko na tugunan ang hindi malasang epekto ng presyo nito sa publiko.

Naglalaro pa sa P600 ang kada kilo ng sibuyas sa karamihan sa mga palengke sa bansa kahit itinakda ng Department of Agriculture (DA) ang suggested retail price sa halagang P250.

Ayon kay Rep. Joey Salceda, oras na upang wasakin ang smuggling cartels ng sibuyas, karne, isda at iba pang pinakamahalagang agricultural commodities, at maging malinaw at bukas sa lahat ang kalakalan.

Aniya, makatutulong itong pababain ang presyo ng pagkain dahil bahagi ng artipisyal na mataas na presyo nitong mga produkto ay ang ilang smuggler at mga oligopolyo sa lokal na kalakalan.

Ang oligopolyo ay maaaring humantong sa sabwatan, at nababawasan ang kompetisyon na nagiging sanhi ng mataas na presyo sa mga konsyumer. Ibinebenta kasi ng sistemang ito na may maliit na bilang ng negosyo ang magkakatulad na produkto.

Dapat seryosohin ng mga otoridad ang pagbuwag at pagpataw ng parusa sa mga smuggler. Sa datos, ang Bureau of Customs ay nakahuli lang ng 10% ng puslit na sibuyas mula China. Ang 90% ay ibinenta na mataas ang presyo sa palengke.

Giit naman ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee, panahon na para ­sumali ang Kongreso sa kampanya laban sa agricultural smuggling sa bansa upang maproteksyunan ang mga consumer at mga lokal na magsasaka.

Bakit ngayon lang kayo namulat? Kung kelan pwede nang malagay sa Guinness World Records ang sibuyas ng bansa bilang pinakamahal sa buong mundo.

Ano pa ang silbi ng plano ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng sibuyas bago mag-Pebrero dahil hindi pa nila nakikitang ­bababa ang presyo nito sa mga susunod na linggo?

May 19,000 metric tons ng sibuyas nang papasok sa Enero 15, ngunit mataas pa rin ang farm gate price sa mga sibuyasan sa Tarlac at Nueva Ecija.

Baka pagkakitaan ulit ito ng mga magpupuslit ng produkto.

Nasa loob ng bansa ang solusyon. Hindi importasyon ang tugon. Namamanipula ng malalaking trader ang presyo ng produkto mula farm gate hanggang palengke dahil may mga cold storage ang mga ito para pag-imbakan ng sibuyas na ilalabas at ibebenta sa mas mataas na presyo kapag mataas na ang demand.

Manipulasyon sa presyo ang dapat pigilan, kaya hindi importasyon ang solusyon kundi ang mahigpit na pagpapatupad ng SRP.

20

Related posts

Leave a Comment