MAPANGHAMON AT AGRESIBONG HAKBANG NG CHINA

PUNA ni Joel O. Amongo

SA kabila ng pagiging kalmado ng bansang Pilipinas ay patuloy namang nagiging mapanghamon at agresibo ang ginagawa ng China sa mga karagatan ng lahi ni Juan dela Cruz.

Nitong nakaraang Mayo 11, ang Pilipinas ay nagtalaga ng mga barko sa pinag-aagawang lugar sa South China Sea, kung saan ang China ay naglalagay ng artificial island gamit ang nasirang corals.

Ang Philippine Coast Guard ay nagpadala ng barko sa lugar para magbantay sa ilegal na mga aktibidades ng China katulad ng pagbubuo ng artificial island. Ibang klase itong mga Tsekwang ito!

May karagdagan pang dalawang barko na ipinadala ang Pilipinas para sa rotational deployment sa lugar.

Sinabi naman ni Philippine Coast Guard spokesperson, Commodore Jay Tarriela sa isang forum, mayroong “small-scale reclamation” sa Sabina Shoal, na tinawag na Escoda.

Halos lahat ng mahalagang mga daluyan ng tubig ay inaangkin ng China kasama na ang parte ng Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam.

Sa Permanent Court of Arbitration na pinagpasyahan noong 2016, ang inaangkin ng Beijing ay walang basehan sa ilalim ng international law.

Ang China ay nagsagawa ng malawakang pagbawi ng lupa na karamihan ay mga isla sa South China sea, sa pamamagitan ng paglalagay ng air force at iba pang military facilities na nagdulot ng pag-alala sa Washington at sa paligid ng rehiyon.

Ang barko ng Pilipinas na naglayag sa Sabina Shoal ay nakapagdokumento ng mga itinapon na mga nasirang corals sa ibabaw ng mga sandbar kung saan ay nakita rin ang presensiya ng dose-dosenang mga barko ng China kasama ang kanilang research at navy vessels.

Ayon kay Commodore Tarriela, ang presensiya ng Chinese vessels ay nasa 124 miles (200 kilometers) mula sa lalawigan ng Pilipinas, sa Palawan kung saan nakita ang nasirang corals.

Dahil dito, plano rin ng PCG na magdala ng marine scientists sa mga lugar para malaman ang mga likas na yaman na nasira na kagagawan ng mga Tsekwa.

Hindi kaya nababaitan sa atin ang China kaya nagagawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin tulad ng paglalagay ng mga artificial island?

Kapuna-Puna kasi na sa mga bansa sa Asya na malapit din sa China, ay ang Pilipinas lamang ang nakararanas ng matinding pangha-harass.

Wala na silang respeto (China) sa atin, pati na mga barko ng Philippine Coast Guard at BFAR ay kanila nang binobomba.

Dati-rati ang kanilang hina-harass ay ang ating mga mangingisda lamang, ngayon pati mga barko ng mga awtoridad katulad ng PCG, ay kanila nang pinupuntirya ng water cannon.

Hindi na ordinaryong pagtataboy ito kundi mapanghamon at agresibong hakbang na ito ng China laban sa Pilipinas.

‘Wag naman sana humantong na ang military ng Pilipinas at military ng China ang magpang-abot sa mga karagatan na pinag-aagawan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

27

Related posts

Leave a Comment