MARAMING BILIB KAY NCRPO CHIEF JONNEL ESTOMO

BALYADOR Ni RONALD BULA

NALALAGAY ngayon sa balag ng alanganin o kontrobersya ang hanay ng Philippine National Police (PNP) matapos na manawagan si Department of The Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ng ‘courtesy resignation’ sa mga general at colonel para sa pinaigting na internal cleansing sa police organization dahil sa isyu ng lumalalang problema sa droga.

Binuo ang 5-Man Committee ni Sec. Abalos na siyang mag-iimbestiga sa mga sangkot sa kalakalan ng ilegal droga ng mga sindikato, maging ang tinatawag na “ninja cops” at “scalawags” na nagsisilbing “money maker” ng nakapwestong PNP officials.

Partikular na target ng investigating panel ang mga regional director, provincial director at district commander ng PNP, kasama na ang mga opisyales ng Camp Crame-based Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at provincial head na nakatalaga sa iba’t ibang sulok ng bansa at iba pang unit, na ang mandato ay manghuli ng mga kriminal at sangkot sa organized crimes.

Sabi ng pamunuan ng PNP, nasa 929 opisyal ng pulisya na ang nagsumite ng courtesy resignation bilang tugon sa panawagan ni DILG Secretary Abalos kaugnay na rin ng kampanya ng administrasyong Marcos laban sa mga ilegal na droga at maraming colonel at general ang nangangamba na baka sila’y hindi na makabalik sa kanilang puwesto, subali’t tiniyak ng kalihim na mananatili sa puwesto kung wala naman silang kinalaman sa “drug trade” dahil sa ibinibigay na protection ng ilang tiwaling opisyales ng pulisya.

Pero sa ganang akin, hindi sila dapat matakot na magbitiw kung alam nila sa sarili nila na wala silang kinalaman sa kalakalan ng ilegal na droga, tulad ni National Capital Region Office (NCRPO) chief, Police Maj. Gen. Ronnel Estomo na matapos na hilingin ni Sec. Abalos ang courtesy resignation ng mga colonel at heneral, ay kaagad na nagpahayag ng kanyang pagbibitiw bilang hepe ng NCRPO at nagpa-drug test na negative ang naging resulta.

Isang “role model” itong si P/Major Gen. Estomo sa hanay ng PNP, kaya agad ding nagsipagsumite ng kani-kanilang courtesy resignation ang 70 generals at colonels sa NCRPO kasabay ang pagsasailalim sa surprise drug test ng lahat ng police station commanders sa Metro Manila.

Ang panawagan sa pagsusumite ng courtesy resignation ay bilang pagtalima sa kahilingan ni Sec. Abalos at may basbas din ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Marami ang bumilib kay Estomo sa pagpapahayag ng buong suporta kina Sec. Abalos at PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. na masasabi nating isang huwarang lider na kailangan na kailangan ngayon ng PNP na nasasadlak sa kontrobersya dahil sa ilang tiwaling police officials na nagtatago sa likod ng kanilang uniporme sa ngalan ng PAYOLA sa kalakalan ng ilegal na droga at iba pang illegal vices.

Kinumpirma ni, P/MGen. Estomo ang 100 percent na compliance ng lahat ng senior officials ng NCRPO sa panawagang courtesy resignation ng DILG.

Nanindigan naman si P/MGen. Estomo sa kanyang babala na sisibakin ang sinomang tauhan nito na babagsak sa drug test. Una nang nagnegatibo sa drug test ang mahigit 70 generals at colonels ng NCRPO.

Samantala, ipinatawag ni P/MGen. Estomo sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang 43 pulis sa Metro Manila na sangkot sa iba’t ibang kaso noong Biyernes ng umaga.

Ang hakbang na ito ni Estomo ay tugon sa panawagan ni DILG Sec. Abalos na “internal cleansing” sa hanay ng pambansang pulisya.

Nagulat pa ang ilan dahil alam nilang matagal nang naalis ang kanilang pangalan sa listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga sa bansa.

May ranggong lieutenant at patrolman ang ipinatawag na mga pulis.

Pero sa 43 pulis na ipinatawag, 31 lamang ang tumugon.

Sinabi ni Lt. Coronel Dexter Versola, ang spokesperson ng NCRPO, ang mga ipinatawag ni Estomo ay kabilang sa listahan ng kanilang ‘Counter Intelligence Watchlist’.

Ang mga ito aniya, ay pawang sangkot sa iba’t ibang kaso, hindi lahat ay may kinalaman sa ilegal na droga.

Subalit para patunayang seryoso ang NCRPO sa pagtugon nito sa panawagan ng DILG chief, isinailalim ang 31 sa drug test.

Una nang sinabi ni Estomo na kanyang sisibakin sa puwesto ang sinomang mapatutunayang sangkot sa ilegal na droga at mahaharap sa patong-patong na kaso.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com. Ugaliin ding makinig sa programang “BALYADOR” mula Lunes hanggang Biyernes 11:00 am – 12:00 noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. Tuwing Miyerkoles 9:30 am – 10:00 am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00 am – 10:00 am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood din nang live sa Facebook at Youtube channel.

19

Related posts

Leave a Comment