MARAMING DUDA SA KAKAYAHAN NI BBM NA LUTASIN ANG PROBLEMA SA TRAPIKO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MALAKING hamon sa gobyerno ang paglutas sa problema sa trapiko sa kalakhang Maynila.

Malaon na itong problema kaya nga nabuo ang salitang ‘carmageddon’ ngunit hindi nasolusyunan sa nakalipas na mga administrasyon.

Kung magagawa nga ni Pangulong Marcos Jr. na maibsan ang matinding problema sa trapiko, aba’y magaling. Hindi man niya mabigyang katuparan ang pangakong P20 kada kilo ng bigas ay malaking ‘pogi points’ sa kanya sakaling guminhawa ang biyahe sa Metro Manila.

Marami ang nag-aalinlangan sa kakayahan ni Marcos Jr. dahil wala naman daw itong alam. Pero hindi naman masama ang planong traffic summit dahil sa laki ng problema ay makabubuti kung makapag-aambag ang taumbayan sa solusyon. Tandaan na ang mga taong nag-uusap-usap para malutas ang problema sa trapiko ay hindi naman gumagamit ng public transport. Malabo ring naaapektuhan sila ng matinding traffic dahil mayroon silang tagahawi ng kalsada kapag sila’y dumaraan. Kaya dapat talagang lumahok na ang taumbayan sa usapan.

Ang mga itinatayo nang imprastraktura para lumuwag ang mga kalsada ay bibilang pa ng taon bago makumpleto at habang ginagawa ang mga ‘yan ay nakadaragdag pa sa sikip ng daloy ng trapiko.

Hiling ng Pangulo, habaan pa ang pasensya ng publiko.

Maraming dahilan kung bakit problema ang trapiko sa Pilipinas, bukod sa maliliit na kalsada at sangkatutak na mga sasakyan ay nariyan din ang kawalan ng disiplina ng ilang motorista.

Pero katwiran ng mga balagbag sa kalsada tulad ng ‘kamote riders’, bakit ang ordinaryong mamamayan lang ang obligadong sumunod sa batas-trapiko?

Bakit ang disiplina ay hinahanap lang sa mga naghahanap-buhay sa kalsada o ordinaryong empleyado na sa kagustuhang hindi mabawasan ang karampot na sahod dahil sa pagiging late ay nambabarako ng kapwa motorista?

Kung tutuusin, may katwiran ang mga ganitong obserbasyon.

Naalala ko tuloy ang misteryosong VIP na namerwisyo sa Commonwealth Ave., Quezon City noong isang taon.

Tuluyan nang nanahimik ang mga awtoridad sa nasabing usapin. Hindi na natukoy kung sino ang VIP. Ganun ka-powerful ang VIP na ‘yan dahil tumikom ang bibig ng lahat para lang hindi malantad ang kanyang pagkakakilanlan.

Kamakalawa naman, ang convoy ni dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson ay hinarang at tiniketan ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil dumaan sa EDSA busway.

Alinsunod sa Department of Transportation (DOTr), ang mga sasakyang awtorisadong dumaan at gumamit ng EDSA Busway ay ang: mga pampasaherong bus na pinapayagang mag-operate sa EDSA Busway route, ambulansya, fire trucks, sasakyan ng Philippine National Police, service vehicles para sa EDSA Busway Project (construction, security, janitorial, maintenance services).

Ang limang pinakamataas na opisyal na idinagdag ay ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives at Supreme Court Chief Justice.

Pero halos araw-araw ay maraming nahuhuli sa busway na mga nasa gobyerno, may pulis at sundalo rin na ayaw maipit sa traffic.

Tulad na lang ni Chavit na ang katwiran naman ay nag-overtake lang daw siya.

Humingi naman ng paumanhin ang dating gobernador at sinabing hindi siya dapat tularan.

Nga pala, napanood niyo ba ang video ng panghuhuli sa kanya? Napansin n’yo rin ba at nabilang kung ilang “pasensiya na po” ang binanggit nung taga-MMDA?

Ganyan tayo sa Pilipinas, kapag may sinasabi o nakaaangat sa lipunan ang violator, masyado tayong magalang. Hangga’t may mga VIP sa lipunan na hinahayaang manlamang, mahirap malutas ang problema.

Sabi nga nung isang netizen, “Walang markings at may blinker ang sasakyan ni Chavit, ‘yung iba nahuhuli n’yo na walang plaka, impound kaagad. Eh sino ba siya? Si Chavit lang siya, simpleng mamayan na siya, hindi na siya opisyal”.

37

Related posts

Leave a Comment