MAS EPEKTIBONG PAMAMAHALA SA ILALIM NG BBM ADMIN TIYAK NA

SA unang araw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., isang memorandum circular ang ­nilagdaan ni Executive Secretary Atty. Victor D. Rodriguez, na magbibigay sa mga sangay ng pamahalaan ng mas pina­igting na “recommendatory” power para sa mga prayoridad na serbisyong nais nilang ipa­tupad.

Ayon kay Executive Secretary Rodriguez, ang paglagda sa Memorandum Circular No. 2 o ang “complete staff work requirements at standards” ay magdudulot ng mas mabilis na assessment at approval ng pangulo sa mga programa ng bawat kawani ng gobyerno.

Sa ilalim ng Memorandum Circular, mas mapapabilis ang implementasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan dahil kailangang ilatag ang detalyadong dokumento na magbibigay sa Office of the President ng mas malinaw na pananaw at naglalayon ng mas epektibong proseso ng approval.

Sa madaling salita, kina­kailangan na lamang niyang bigyan ng desisyon ang mga rekomendasyon at proyekto ng bawat ahensya pagkat ang complete staff work ay makatutulong sa paggawa ng desisyon.

Ayon sa memorandum circular, ang mga ahensya ay kina­kailangan ding magsumite ng mga printed draft ng mga action document at proposed issuance na ipapa-apruba sa Office of the President, kabilang na ang implementation plans at iba pang mga dokumento na makasusuporta sa lahat ng mga request.

Kinakailangan din nilang isumite ang lahat ng maaaring mga problemang kahaharapin, pati na ang mga posibleng solusyon upang matugunan ito. Dahil dito, nasa kamay ng ahensya ang pagsiguro na ang lahat ng dokumento at report ay kumpleto bago ipa-apruba sa pangulo.

Ang mga sangay ng pamahalaan ay kinakailangan ding ­rumesponde sa loob ng 15 araw kung sakaling magkaroon ang presidente ng mga katanungan ukol sa mga proyekto.

Ang mga ahensya na hindi magko-comply sa complete staff work requirements at standards ay hindi mabibigyan ng prayoridad at maaari ding ibalik lamang sa project proponent.

Naturingan nang “urgent” noon pa man ang complete staff work standards circular upang epektibong maisakatuparan ang lahat ng mga programa ng pamahalaan ngunit malinaw na sa kasalukuyang pamahalaan ay paiigtingin pa ito.

Ano naman ang ganansya ng sambayanan dito? Simple lang, sa pamamagitan nito, mas magiging episyente ang proseso at kaukulang aksyon kaya’t ang mga proyekto na may kaugnayan sa serbisyo publiko ay agarang mararamdaman sa ground level o yaong direkta ang impact sa tao.

Napakarami nang mga proyekto ng pamahalaan ang nade-delay dahil sa dami ng mga proseso at mga taong kailangan nitong daanan, kaya’t mainam na agarang inaprubahan ang circular na ito upang mapabilis ang implementasyon sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa bandang huli, ang lahat ng ito ay para naman sa kabutihan ng mamamayang Pilipino. Tayo ay panalo sa desisyong ito. At sa ilalim ni Pangulong BBM at sa pangangasiwa ni ES Vic, tiyak na ang magtatagumpay at makikinabang ay ang taong bayan.

137

Related posts

Leave a Comment