MAS MABABANG SINGIL SA KURYENTE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAGSIMULA na ang Simbang Gabi, senyales na ilang araw na lang ay Pasko na. Abalang-abala na ang lahat sa kaliwa’t kanang selebrasyon, na kahit ang matinding daloy ng trapiko ay hindi nagiging balakid para tuluy-tuloy ang mga pagdiriwang.

Magandang balita rin ang inanunsyo ng Meralco nitong nakaraang linggo at umaasa ang power distributor na ito’y magbibigay ng ngiti para sa mga customer nito.

Pababa ngayong buwan ang singil sa kuryente at medyo malaki ang bawas dahil nasa 80 centavos kada kilowatt-hour ito na ang katumbas ay P159 na tapyas sa kabuuang binabayaran sa bill ng isang tipikal na pamilyang kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Dahil ito sa mas mababang generation charge, o ‘yung singil ng mga supplier ng kuryente sa Meralco, at pati na rin ang kabawasan sa transmission charge at iba pang singil kagaya ng buwis.

Hindi na natin maiiwasang nariyan pa rin ang mga reklamo, pero para naman sa mga marunong magpahalaga sa mga ganitong magandang balita, makatutulong ito para mas maging maliwanag ang Pasko.

Mas malaki na nga ang bawas-singil ngayong Disyembre kumpara sa naging pagtaas sa singil ng Meralco nitong nakalipas na dalawang buwan.

Bukod sa usapin ng singil sa kuryente, napakahalaga ring pagtuunan ng pansin ngayon ang kaligtasan dahil siguradong sobrang dami na naman ang mga dekorasyon at mga palamuti sa ating mga tahanan at ilan sa mga ito ay gumagamit ng kuryente.

Kaya nga patuloy rin ang paalala ng Meralco na maging maingat at mapanuri sa paggamit ng mga Christmas light at iba pang dekorasyon.

Kadalasan natatanong ang kumpanya tungkol sa konsumo nito na hindi naman kalakihan, kaya nga mas mahalagang siguruhin na ang mga gagamitin at bibilhing Christmas lights ay may quality control markings, o iyong mga nainspeksyon bago ibenta. Magiging panatag din ang ating kalooban kung sigurado tayong ligtas ang mga bagay na ating ginagamit.

Paulit-ulit rin pinapaalala ng Meralco, hindi lamang tuwing may pagdiriwang, na huwag gumamit ng mga lobo, mga party popper, at iba pang party items malapit sa mga kable ng kuryente dahil ang pagdikit nito sa mga pasilidad ay maaari ring mag-resulta sa hindi inaasahang power outage na maaaring makaapekto sa selebrasyon.

Hindi na rin naman maiiwasan na maraming mga de-kuryenteng gamit ang sabay-sabay papatakbuhin, kaya makabubuti kung iiwasan ang tinatawag na octopus connection o ang pagsaksak ng extension cord sa kapwa nito extension cord na direktang nakasaksak sa isang outlet. Maaari itong mag-resulta sa overloading at pagkasira ng mga gamit na nakasaksak dito, o maging sanhi ng sunog.

Para naman sa mga dekorasyon sa labas ng bahay, makabubuting gumamit ng mga materyales na waterproof upang masigurong ligtas ito kahit maulanan. Siguraduhin ding hindi ito nakalagay sa daanan ng tubig kung saan maaari itong malubog.

At siyempre kung hindi ginagamit, lalo na kung aalis sa mga bahay o matutulog na ang mga tao, dapat tanggalin sa saksakan ang mga dekorasyon at appliances na gumagamit ng kuryente. Simpleng bagay lang ito pero napakahalagang isabuhay hindi lamang kapag panahon ng kapaskuhan.

Sa panahong ito, nais ng Meralco na maging masaya at makabuluhan ang mga pagdiriwang na matagal na nating ginagawa, pero pansamantalang naudlot dahil sa pandemya.

Ngayong balik na sa normal, makabubuti rin kung tayong lahat, sa pamamagitan ng simple nating pamamaraan, ay mamuhay na isinasaalang-alang ang kaligtasan hindi lamang ng ating mga sarili at mga pamilya, kundi pati na rin ng ating kapwa.

Maagang pagbati para sa lahat! Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

93

Related posts

Leave a Comment