MAY AHAS SA BI-INTELLIGENCE?

BISTADOR Ni RUDY SIM

MULA nang ipatigil ng pamahalaan ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa dahil na rin sa kaliwa’t kanang pagtaas ng bilang ng krimen kagaya ng kidnapping, extortion, rape at murder na kinasangkutan ng mga dayuhang Chinese, ay nagsasagawa na ng visa cancellation ang pamahalaan sa halos 50K na Chinese illegal workers.

Dahil na rin sa seryosong banta ng seguridad sa bansa ay pinakilos na ng pamahalaan ang iba’t ibang law enforcement agencies kabilang ang PNP, NBI at BI, na tutukan ang isyung ito matapos manawagan ang Chinese Embassy na itigil na ang POGO dahil na rin sa pagkakalulong sa sugal ng kanilang mga citizen na siyang nagiging problema upang mabaon sa utang ang mga dayuhan.

Marami na rin sa illegal Chinese workers ang ipina-deport ­kamakailan ng Bureau of Immigration, alinsunod sa naging kasunduan ng pamahalaan at ng embahada, natuklasan din na malaking bilang ng POGO outlets sa bansa ay hindi rehistrado sa PAGCOR kaya’t ­pinaniniwalaan na mayroong kumita sa nagdaang administrasyon.

Kaugnay nito, isang sumbong ang ating natanggap na mayroong ilang nagpapakilalang mga tauhan umano ng BI-Intelligence Division na sina alias “NICK” at “MATE” na kaanak umano ng dating opisyal ng PAGCOR, na umiikot sa mga lehitimong kompanya upang mangikil at humingi ng protection money upang sila’y hindi guluhin?

Nag-o-operate umano ang mga ito at umiikot sa Parañaque, ­Makati hanggang Pampanga at mayroong ipinakikitang intelligence report na sila’y huhulihin ng BI, NBI at PNP kaya’t ang mga ito umano ay pinalipat ng lokasyon.

Kabilang umano sa mga kompanya na kinikilan ng mga ahas na tauhan ng BI upang makaiwas sa raid, ay ang NETSURF MEDIA, SWANSTON ASIA INC., LEBO LTD, at A-FUTURE SOLUTIONS.

Hanggang ngayon pala ay mayroon pa ring mga tiwaling tauhan ng intelligence ang ginagawang hanapbuhay ang pagbebenta ng sikretong impormasyon, kagaya na lamang sa pelikula na pagdating sa lugar ng raiding team ay wala nang maabutan. Bokya pero may kumita!

Matagal nang may ganitong kalakaran sa BI at ang iba pa nga ay pinepeke pa ang mission order para kunyaring legal ang kanilang ­operasyon at hihingian ang mga bossing ng dayuhan, ng tinatawag na orbit.

BI Commissioner Norman Tansingco, ito’y isang seryosong usapin kaya’t dapat ay piliin lamang ang dapat pagkatiwalaan at magsagawa ng monitoring sa bawat lakad ng mga tauhan upang maiwasan ang mga ganitong kaso ng katiwalian.

Dapat mo ring paimbestigahan, Mr. Tansingco, itong dalawang fixer na sina alias “Betty Chuwawa” at “Anna Sisi” na handler ng mga Chinese na aktibo sa tuwing may huli ang BI.

Agad nating ipinarating sa hepe ng intelligence na si Fortunato Manahan, ang modus nina alias “Nick” at “Mate”, at nangakong iimbestigahan ang naturang impormasyon.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

16

Related posts

Leave a Comment