SERBISYO NG DIGITAL BANK, KAPAKI-PAKINABANG SA MGA KONSYUMER

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

ANG serbisyo ng internet sa bansa ay nagbigay-daan para sa mga modernong produkto at serbisyo gaya ng mga digital bank. Kaiba sa mga tradisyonal na bangko, ang serbisyo ng mga digital bank ay online lamang. Hindi na kinakailangan pang pumunta sa mismong bangko at pumila kung may nais gawing transaksyon. Basta’t mayroong koneksyon sa internet, ­maaaring magamit ang serbisyo ng mga digital bank.

Napakalaki ng papel na ginagampanan ng internet sa ating buhay lalo na nang nagsimula tayong harapin ang pandemyang COVID-19. Dahil sa kabi-kabilang mga lockdown noon, halos lahat ng bagay ay kinailangang gawing online, kabilang dito ang pagbabayad ng mga utility bill, pagpapadala ng pera sa mga kapamilya at kaanak, pag-iipon ng pera, at iba pa. Ilang pindot lamang sa kompyuter o sa cellphone, maaari nang magawa ang mga bagay na ito.

Kamakailan, inanunsyo ng Maya Bank, ang nangungunang digital bank sa bansa, na umabot na sa isang milyon ang bilang ng mga rehistradong customer nito limang buwan lamang matapos ng pampublikong paglulunsad na ginawa nito noong Abril 2022. Mula rin noong Abril, umabot na rin sa P10 bilyon ang halaga ng deposit balance nito.

Ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga tumatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng Maya Bank ay sumasalamin sa kagustuhan at pangangailangan ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng kombinyenteng karanasan sa digital banking kung saan ang lahat ng serbisyo na maaaring kailanganin o nais gawin ay nasa iisang plataporma na lamang. Hindi na kailangang magpalipat-lipat o magpapalit-palit ng bangko.

Isa sa magagandang benepisyo ng paggamit ng serbisyo ng mga digital bank ay ang mas mataas na interest rate na ka­yang ialok nito para sa ­savings ng isang konsyumer. Ito ay dahil mas mababa ang halaga na ginagastos nito para sa kanilang operasyon. Samakatuwid, mas mabilis lalago ang ipon ng mga konsyumer kung ito ay ilalagay sa mga digital bank.

Wala rin masyadong mga convenience fee at transaction fee na ipinapataw ang mga digital bank. Mas mataas ang halagang ginagastos ng mga tradisyonal na bangko sa operasyon nito dahil sa ito ay may aktwal na opisina, may ginagamit na mga equipment, at mas maraming tauhan. Bilang resulta, nangangailangan nito magpataw ng mga transaction fee.

Ilan lamang ‘yan sa mga benepisyo ng paggamit ng serbisyo ng mga digital bank at ng digital banking. Maging ang mga tradisyonal na bangko ay mayroon na ring serbisyong online. Tunay na mas nagiging kombinyente ang mga bagay sa tulong ng internet. Subalit, upang mas lalong maging maaasahan ang serbisyong online ng mga bangko, digital man o tradisyonal, kinakailangan din ng maaasahang serbisyo ng internet. Kailangang makasabay sa bilis ng pagiging moderno ng mga produkto at serbisyo ang bilis ng serbisyo ng internet sa bansa upang higit itong maging kapaki-pakinabang para sa mga konsyumer.

658

Related posts

Leave a Comment