Napabalita kahapon na nakatakdang lumabas ng bansa ang mga mayayamang negosyanteng Pinoy para mag-invest sa mga bagong negosyo sa ibang bansa gaya ng mga Ayala, si Manuel V. Pangilinan o MVP, at maging ang mga Gokongwei at Sy families.
Masyado na raw masikip ang kompetisyon dito sa bansa kaya lumiliit ang kita nila kaya para mas lumaki ang hawak nilang pera ay dapat ilagay sa mga bansa na sila ang pwedeng humawak ng supply ng mga produkto o serbisyo nang walang masyadong kalaban sa negosyo.
Magugulat kayo siguro kung ganito ang kaisipan ng mga bilyonaryong negosyante natin at sasabihin na napakarami pang mga pwedeng gawing negosyo rito sa ating bansa na pwede nilang ilagay ang pera nila. Hindi pa sapat ang supply kamo ng bigas o hindi kaya ay kulang pa rin ang supply ng kuryente o hindi kaya ay ng murang pabahay para sa milyun-milyon pang mga Filipino na wala pa ring pag-aari na bahay.
Hindi na para sa mga negosyanteng ito ang mga ganitong negosyo. Dahil sa laki ng hawak nilang pera ay barya na lang ang ilandaang milyong piso na tubo kada taon sa isang negosyo. Ang mga naglalakihang negosyo na ngayon ay malaki ang kahulugan sa ating buhay gaya ng cellular phone service o hindi kaya ay ang supply ng mga pagkaing de-lata o processed sa mga tindahan at supermarket ay mga negosyong nakalaan na para sa mga bilyonaryong ito.
Sasabihin ng marami lalo na ng mga politiko na ang responsibilidad ng mga bilyonaryong ito ay ang lalong pagaanin ang buhay ng mga Filipino kung saan nakuha nila ang kanilang kita. Responsibilidad nilang gawing makabayan ang kanilang negosyo para bumaba ang halaga ng mga bilihin at maibsan ang hirap na nararamdaman ng kanilang mga mahihirap na kababayan.
Hindi ito ang talagang responsibilidad nila, kung paniniwalaan natin ang mga prinsipyo ng strategic management. Ang responsibilidad ng mga negosyanteng ito ay ang payamanin nila ang sarili nila lalo sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng mas mahusay at mas episyenteng mga negosyo.
Kung mas mapapaliit ng mga negosyanteng ito ang gastos para sa paggawa ng kanilang mga produkto at serbisyo, mas mapapaliit nila ang singil sa mga mamimili at mas darami ang kayang bumili at mas lalaki ang tubo sa kanilang operasyon.
Sa ngayon ay malaki ang singil at malaki pa rin ang tubo sa mga produkto at serbisyong nakukuha natin sa mga negosyanteng ito at wala tayong magawa kundi bilhin sila para may magamit tayo sa ating buhay. Hindi ba napaka-unfair ng buhay natin? (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)
115