MAYOR DUMANJUG, BIKTIMA NGA BA?

BISTADOR NI RUDY SIM

KAMAKAILAN lamang ay naging laman ng balita at maging sa social media, ang pag-ingay at pag-alma ni Tambulig, Zamboanga Del Sur Mayor Charlotte Dumanjug hinggil sa umano’y harassment sa kanya ng kalaban nito sa pulitika sa lalawigan upang ito’y puwersahang paalisin sa kanyang tanggapan.

Matatandaang humingi ng tulong si Mayor Dumanjug sa national government dahil umano sa banta sa kanilang buhay dahil sa mainit na pulitika pagitan nila ni Governor Henry Oaminal na inakusahang nasa likod ng sapilitang pagpapaalis sa kanya sa puwesto.

Ikinabahala ni Mayor Dumanjug ang mainit ng labanan sa pulitika sa kanilang lalawigan na aniya’y dapat bigyang pansin ng pamahalaan bago pa man muling maulit na may dumanak ng dugo kagaya na lamang sa nangyari sa Negros Oriental na ikinamatay ni Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.

Maraming batuhan ng akusasyon sa dalawang panig, kabilang ang tila pagpanig umano ni DILG Secretary Benhur Abalos sa gobernador, kung saan sinabi ni Congressman Marcoleta na kanyang nakita na habang nasa kainitan ng kaguluhan sa lalawigan, ay nasa tanggapan ni Abalos si Governor Oaminal.

Matapang na nilabanan ni Mayor Charlotte ang higanteng kalaban nito sa pulitika kung saan ay nabanggit pa nito na pinangalanan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Governor Oaminal na ‘most corrupt politician’ sa buong bansa’.

Tila nakahanap naman ng kakampi si Mayor Dumanjug nang bigyang pansin ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang isyu, sinabing dapat na magkaroon ng Senate inquiry sa nangyayaring kaguluhan, upang makita kung nagkaroon ng pang-aabuso sa kapangyarihan sa panig ng pulisya na umano’y inatasan ng gobernador na sapilitang paalisin ang alkalde sa kanyang tanggapan.

Matapos ang ilang suspension order na ipinatupad laban kay Dumanjug ay tila mahihirapan na itong makabalik sa kanyang kapangyarihan, makaraang maharap ang alkalde sa 24 violations ng bouncing check law. Inakusahang nag-issue umano ang alkalde ng mga tsekeng tumalbog na umaabot sa P4 milyon.

Tatlong complainants ang lumutang upang kasuhan ang alkalde dahil sa inisyu nitong mga tseke bago pa ang May 2021, na hindi nabayaran dahil sa close account, at kakulangan sa pondo sa iba’t ibang bangko kagaya ng Chinabank, PBB, PNB at UCPB.

Ang nakatatandang Dumanjug ay nahaharap sa 60 days suspension dahil sa pagkakasangkot sa overpriced project dahil umano sa pagbili ng substandard garbage truck, at ilang heavy equipment ng lalawigan.

105

Related posts

Leave a Comment