P600-M CONDO NG SENADOR AT CABSEC NA DUMOBLE YAMAN

Clickbait ni Jo Barlizo

NAKALULULA raw ang yaman ng isang mambabatas. Super rich kaya naman hindi mabigat pakawalan ang P600 milyon para makabili ng condominium.

Totoo kaya ang pasa-bulong na nasagap natin?

Sabagay, ika nga pera mo, bahala ka saan mo gastusin.

Napag-uusapan lang naman ang bulong na ito. Believe it or not, one-time payment daw ito pero ang siste, mayroon daw napasamang demonetized money na milyones ang halaga. Agad naman daw pinalitan ni Senador ang wala nang halagang salapi.

‘Di ba, ang huling demonetization sa bansa ay noong 2017? Paano napasama ang lumang pera sa ibinayad ni Senador? Malamang inipon o inimbak at nakalimutang ipalit sa bagong sirkulasyon.

Kung ganun, hindi sa bangko nakatago ang pera ni Senador.

Ano ba ang rason kaya mas pinipili ng iba na mag-ipon ng pera sa cabinet, sa sariling bahay. Cabinet banking?

Ano ang “risk” kapag idineposito ang pera sa bangko?

Kung sabagay, ang perang inipon ay kailangang siguruhin.

Sobrang talino kung gayon ng mambabatas.

Hindi tuloy maiwasang isipin na baka hindi masyadong gumagastos sa eleksyon itong si Senador. Hindi siya naglalabas ng pera para sa kanyang makinarya para manalo kundi dinadaan na lang sa kasikatan.

Oo nga pala, karamihan naman ng nakaupo sa Senado ay mula sa pamilyang sikat at kilala sa lipunan.

Kaya ang pera para sa makinarya ay ilalagay na lang sa alkansiya. Di bale nang anayin at lumutin.

Ay, kakunatan tawag diyan. Ayaw mang-ambon kahit sa panahon ng eleksyon.

Opinyon lang ‘to. Bakit ayaw ilagak sa bangko ang pera?

May SALN nga pala. Malalaman ang tagong yaman. Uungkatin kung saan galing ang sandamakmak nitong salapi.

Balik tayo sa milyones na nasayang dahil paso na. Sana ibinigay na lamang ng mambabatas sa mahihirap.

Speaking of yaman, may pasalubong, este pasa-bulong din na may Cabinet Secretary na hindi pa natatagalan sa posisyon ay dumoble ang datung.

Ayon sa info, ang daming proyekto ng departamento ni Cabsec. Ngayon ay hindi na raw ito yayamanin. Mayaman na talaga dahil lumipat ito sa isang posh village diyan sa Ortigas.

Malaki naman ang sweldo ng cabinet secretary pero duda ang ating impormante na agad makakabili si Cabsec ng mamahaling bahay. Bukod pa riyan, lahat daw ng gamit sa bagong bahay ay bago rin. As in, walang bitbit na luma ang opisyal.

Sabagay, ibinabagay ata sa estado ng trabaho ang antas ng buhay.

Representasyon lang ito ng reyalidad na kasama sa pag-asenso ng tao. Kanya-kanyang taste lang ‘yan, ‘di ba?

63

Related posts

Leave a Comment