MERALCO HANDA SA HAMON NG BAGYO AT HABAGAT

MY POINT OF BREW ni Jera Sison

HETO na naman. Ramdam na ramdam natin ang sunod-sunod na bagyo at malakas na ulan pagsapit ng buwan ng Hunyo hanggang matapos ang taon na ito. Hindi bababa sa 20 bagyo ang nanalasa sa Pilipinas kada taon. Kalimitan, nagdudulot ito ng pagbaha sa mga mabababang lugar o kaya naman ay pagkasira ng imprastraktura depende kung gaano kalakas ang sama ng panahon.

Dahil nga hindi naman bago sa ating bansa ang pananalasa ng bagyo, hindi tuloy napigilan ni Senador Imee Marcos na maglabas ng sama ng loob sa tila kahinaan ng aksyon ng Ilocos Norte Electric Cooperative o INECO na siyang nagseserbisyo sa probinsya ng Ilocos Norte.

Kabilang kasi ang Ilocos Norte sa matinding tinamaan ng Bagyong Egay.

Binatikos ni Senador Marcos ang kabagalan ng INECO na maibalik ang suplay ng kuryente sa probinsya. Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na tanging probinsya na lamang nila sa rehiyon ang nananatiling walang kuryente.

Aniya, ang ‘first order of business’ dapat ay maibalik na sana ang suplay subalit kulang na kulang diumano ang mga lineman na aakyat sa mga poste para maibalik ang suplay ng kuryente. Dagdag n’ya, dahil wala pang suplay ng kuryente, hirap ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DPWH na linisin ang mga kalsada sa nagtumbahang mga imprastraktura.

Ang mga probinsya sa norte ang pangunahing tinamaan ng pananalasa ng Bagyong Egay. Subalit hindi rin nakaligtas ang iba pang mga lalawigan at maging ang Metro Manila sa epekto nito.

Habang sakit ng ulo ang restoration ng suplay ng kuryente sa Ilocos Norte ang iniinda ng mga residente, dito sa Metro Manila, kakaiba naman ang napansin at naranasan ng isa pang senador.

Sa isang Facebook post, pinuri ni Senador Robinhood Padilla ang mabilis na pagkumpuni ng mga lineman ng Meralco sa pumutok na linya ng kuryente sa siyudad kung saan siya naroroon. Sa kanyang post, sinabi ni Padilla na nakita niyang nagliyab ang isang poste at nawalan ng kuryente sa kapaligiran. Napaisip umano si Padilla na matagal na maibabalik ang suplay ng kuryente dahil na rin sa sama ng panahon. Pero laking-gulat niya nang makitang wala pang 20 minuto ay dumating na ang mga lineman ng Meralco.

Kapansin-pansin tuloy ang malaking pagkakaiba sa serbisyo ng dalawang distribution utilities. Sa panahon kasi ng kalamidad, mahalaga ang mabilis na aksyon para maibalik ang suplay ng kuryente.

Isa lang ito sa mga dahilan kung kaya’t dumarami na sa mga probinsyang sineserbisyuhan ng electric cooperatives, ang nagnanais na mapabilang sa ilalim ng franchise area na sineserbisyuhan ng Meralco.

Kamakailan lang, isang petisyon ang nilagdaan ng mga residente ng Nasugbu para hingin sa kanilang mayor na simulan na ang pakikipag-usap para sumailalim na ang bayan sa Meralco.

Inirereklamo kasi ng mga residente ang serbisyo ng Batangas Electric Cooperative o BATELEC I. Madalas daw kasi ang brownout sa bayan, na kalimitan ang dahilan ay voltage fluctuations.

Noong nakaraang buwan naman, labing-isang mayors sa Laguna ang naghain ng petisyon para hingin sa Kamara at Senado na huwag nang bigyan ng prangkisa ang First Laguna Electric Cooperative Inc. o FLECO.

Anila, sa kabila ng mataas na singil sa kuryente, madalas ang insidente ng brownout sa bayan na nagdudulot ng malaking perwisyo sa mga residente.

Kaya naman masasabi natin na ang Meralco ang tanging batayan sa lahat ng power distributors sa buong bansa kung ang pag-uusapan ay ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa ating mamamayan. Ito ay dahil sa matagal na panahon nang karanasan sa paghahatid ng maayos na serbisyo sa pinakamababang halaga ang naibibigay ng Meralco sa kanilang customers.

Huwag tayo basta-basta maniwala sa ilang sektor na bumabatikos sa Meralco. Malinaw ang ebidensya. Suriin ang presyo ng singil ng koryente at serbisyo na ibinibigay ng electric cooperatives sa bansa at ilang power distributors sa Visayas at Mindanao. Malayo ang sukatan sa larangan ng serbisyo, karanasan, gamit, galing at husay ng mga empleyado ng Meralco.

208

Related posts

Leave a Comment