MEGA DIKE TINITINGNANG SOLUSYON SA BAHA SA BULACAN

Personal na naghatid si Senate Majority Leader Joel Villanueva kasama si Bulacan Governor Daniel Fernando ng relief goods and Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) funds mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente ng Calumpit sa pangunguna ni Mayor Lem Faustino, na lubusang apektado ng pagbaha. Sa kanyang pagbisita, nanawagan si Villanueva sa pamahalaan na bumuo ng isang integrated flood control program para masolusyonan na ang lumalalang pagbaha sa bansa. Bumisita rin ang senador na tubong Bulacan sa bayan ng Hagonoy at Paombong at patuloy na naghahatid ng tulong sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. (DANNY BACOLOD)

ISA sa nakikitang solusyon sa malawakang pagbaha sa lalawigan ng Bulacan ay ang pagtatayo ng mega dike sa coastal area.

Ang panukalang mega dike project ay sama-samang proyektong iminumungkahi nina Governor Daniel Fernando kasama sina Governor Dennis Pineda ng Pampanga at Gov. Joet Garcia ng Bataan.

Sa panayam kay Senator Joel Villanueva makaraang bumisita ang senador noong Martes (Agosto 1) sa bayan ng Calumpit, Paombong at Hagonoy at namahagi ng relief goods sa 2,500 flood victims na lubhang naapektuhan ng mataas na tubig-baha, pabor aniya siya sa pagtatayo ng mega dike at nagpahayag ng suporta rito and senador.

“I am in full support with the governor natin dito sa Bulacan and other governors sa Bataan at Pampanga ‘yung mega dike importante po ‘yan, but at the same time it should be part of the overall part of the master plan ng pamahalaan para talagang sugpuin ang pagbaha,” wika ni Villanueva.

Sinabi pa ng senador, ang flood problem situation sa Bulacan at karatig lalawigan nito ay perennial problem na dapat i-prioritize ng gobyerno na masolusyunan.

Nabatid na noong Hulyo 24, 2023 ay nai-file ni Villanueva ang Senate Resolution No. 693 para tingnan at pag-aralan ang plano at programa ng gobyerno sa flood protection program and urban drainage system sa bansa.

Maging sina Congressman Boy Cruz ng 5th District, at Malolos City Mayor Christian Natividad ay pabor din sa pagkakaroon ng sea wall o mega dike na siyang pipigil sa high tide.

Nabatid mula kay Natividad, ang coastal area ng bayan ng Hagonoy, Paombong, Bulakan, Calumpit at Malolos ay direktang pinapasok ng tubig o high tide galing sa Manila Bay na ilang dekada nang sakripisyo ng mga residente rito.

“Dapat bigyan ito ng pansin ng ating gobyerno, definitely a long term solution, para matugunan ang flood problem situation ay ang pagkakaroon ng mega dike,” ani Natividad.

Bukod sa mega dike, para kay Cong. Cruz, malaking tulong din ang pagtatayo ng river bank protection, floodgates at pumping stations naman para sa low-lying areas na hindi na makasasabay sa upgraded drainage system.

Nais din ng Gov. Fernando ang tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya maglalabas siya ng Executive Order para sa local municipalities and cities na mapabilang ang nasabing ahensya sa mga hihingan ng clearance ng mga magtatayong subdivision, planta, warehouse na magtatambak o makakaapekto sa mga katabing creek o ilog at dapat ay mayroong proper drainage system.

Para naman kay District Engineer Henry Alcantara ng DPWH Bulacan First District Engineering Office, dapat pagtuunan ng pansin ang dredging o paghuhukay sa mga ilog na halos mababaw na at barado.

“It is time for a dredging, kailangan talagang hukayin na ang mga ilog kasi silted na, need an upgraded and proper drainage system from the national roads to local down to tributaries of rivers,” ayon kay Alcantara.

Dagdag pa ni Alcantara, may mga proyekto na ng pumping stations at river wall protection na itatayo sa Guiguinto at Malolos para sa taong 2024 na kabilang sa project nina Kinatawan Cruz at Domingo. (ELOISA SILVERIO)

208

Related posts

Leave a Comment