MGA KATANUNGAN KAY MAYOR GUO NG BAMBAN, TARLAC

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMING nagtatanong sa PUNA kung matatanggal daw ba sa pagka-alkalde si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay dahil sa kinahaharap na kontrobersiya ni Mayor Guo.

Nagsimulang uminit ang pangalan ni Mayor Guo nang magsagawa ng pagsalakay ang mga awtoridad sa isang opisina ng POGO sa Bamban, Tarlac.

Pinaghihinalaan na may kinalaman si Mayor Guo sa pagkakaroon ng POGO sa lugar na sinalakay kamakailan ng mga awtoridad, dahil sa kanyang pagiging Chinese.

Hindi rin malinaw ang mga sagot ni Mayor Guo sa mga pagtatanong sa kanya ng mga mambabatas na nagsagawa ng inquiry sa isyung ito.

Maging hinggil sa kanyang pagkatao (Guo) kung sino siya o sa pinagmulan niya ay hindi rin nakuntento ang mga mambabatas na nagtatanong sa kanya.

Maging sa sagot ni Mayor Guo na hindi niya alam kung bakit naitayo ang POGO sa kanyang bayan ay marami ang hindi naniniwala dahil siya ang local chief executive ng Bamban, Tarlac.

Kung kaya’t dinagsa tayo ng mga katanungan mula sa ating mga tagasubaybay kung maaari daw bang matanggal si Mayor Guo bilang mayor ng bayan ng Bamban.

Maaari po siyang matanggal kung mapatutunayan na siya ay may kinalaman sa operasyon ng POGO na sinalakay kamakailan sa kanyang bayan.

Maaari ring maging basehan sa posibleng pagsibak kung nagsinungaling siya sa kanyang inilagay sa certificate of candidacy noong tumakbo siyang alkalde ng Bamban.

Kailangan makasuhan muna siya sa Office of the Ombudsman, Sandiganbayan at iba pang korte at sa sandaling mapatunayang siya ay nagkasala ay saka lamang siya maaaring matanggal sa kanyang pwesto bilang alkalde.

Awtomatiko namang papalitan siya ng kanyang vice mayor base sa pagkakaalam natin sa batas.

Mainit kasi ang mga Chinese na nakapwesto ngayon sa ating bansa dahil sa ginagawang pangha-harass ng China Coast Guard sa ating mga coast guard at sa mga sibilyang Pinoy na mangingisda sa West Philippine Sea.

Maaaring iniiwasan ng ating pamahalaan na napasukan tayo ng mga Tsekwang pakawala ng mainland China.

Minsan nang kinuwestiyon ni Cong. Ace Barbers ng Surigao del Norte, ang pagdami ng mga nag-enrol na mga estudyanteng Tsekwa sa Cagayan.

Aniya, kataka-taka na biglang tumaas ang bilang nila sa Cagayan kung saan doon pa man din isinagawa ang Balikatan Exercises ng mga sundalong Kano (US) at Pranses (France).

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cel# 0977-751-1840.

81

Related posts

Leave a Comment