KAHIRAPAN PABOR SA MGA POLITIKO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ILANG kembot na lang ay maghahain na ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga politiko para sila ay makatakbo sa 2025 election kaya panay na ang ikot ngayon ng mga ito para magparamdam sa mga botante.

Pero hindi ang maagang pagpaparamdam ng mga politiko lalo na ang mga traditional politician (trapo), ang dahilan kung bakit sila nananalo kundi dahil marami sa mga Filipino ay walang pinag-aralan at nakabaon sa kahirapan.

Sa ibang bansa tulad ng South Korea at Singapore, mataas ang bilang ng mamamayan nila na nakapagtapos ng pag-aaral kaya hindi ubra sa kanila ang mga politikong bolero dahil critical thinker ang Koreans at Singaporeans.

Oo, mataas ang literacy rate sa Pilipinas, ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA), 97% ng mga Pilipino ay marunong sumulat at bumasa pero ang problema, karamihan sa mga ito ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Noong 2022, umabot sa 18.6 percent ang Pinoy na edad 5 hanggang 24 taong gulang ang out of school youth o katumbas ng 7.85 million ang hindi nag-aral at malamang sa malamang hindi pa rin nag-aaral ang mga ito.

Tumaas pa ‘yan noong 2023 dahil umabot sa 7.9 millon ang out of school youth kahit libre na ang matrikula mula kindergarten hanggang kolehiyo at ang kahirapan sa buhay ang itinuturong dahilan.

Kung isasama pa ang mga datos sa nakaraang dalawang dekada, sangkaterba ang mga hindi nakapag-aral sa Pilipinas at ang nakalulungkot, kapag hindi na nag-aaral, nag-aasawa sila at nakabuo na ng pamilya.

Ang mga ito ang sinasamantala ng mga politiko at madalas na nagpapanalo sa kanila kapag panahon ng eleksyon, kaya hindi niyo ako masisi kung sasabihin ko na pabor sa mga trapo kung mahirap ang karamihan sa ating lahi.

Papaano? Pangangakuan lang ang mga iyan na iaahon sila sa kahirapan, pag-aaralin ang kanilang mga anak at siyempre bibilhin ang kanilang boto at dahil kapit sa patalim, hindi na nag-iisip ang mga iyan.

Kumpara sa kung may natapos ang isang tao, hindi ‘yan basta-basta mauuto ng mga politiko kaya kung napapansin niyo, hindi naman nangangampanya ang mga politiko sa mga subdivision at mga lugar na itinuturing na critical thinker.

Sa mahihirap na mga komunidad nangangampanya ang mga iyan kung saan marami tayong kababayan na naghihirap sa buhay dahil ‘yung mga mahihirap at kulang ng edukasyon ang kaya lang nilang budulin.

Kung mayorya sa Pinoy ay nakapag-aral at nakaahon sa kahirapan, malamang matagal nang nawala sa kapangyarihan ang mga trapo na inugat na sa puwesto, pero hangga’t malala ang kahirapan sa inang bayan, hindi mawawala ang mga iyan.

55

Related posts

Leave a Comment