MGA MUNTING HILING NGAYONG PASKO AT BAGONG TAON

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

TUNAY na kay tulin ng araw dahil hindi natin namalayan na dumaan na naman ang isang Pasko at nalalapit na naman ang pagtatapos ng taon. Tiyak na marami sa ating mga Pilipino ang galak na galak sa selebrasyon ngayong taon dahil muli na namang naging posible ang face-to-face na mga pagtitipon at ganoon din ang pagbiyahe.

Tiyak na malaking dagdag din sa kasiyahan ng lahat ang pagdeklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) na non-working holiday ang ika-26 ng Disyembre upang mas mapahaba kahit ang Christmas break. Isang magandang pagkakataon ito upang mapakinabangan din ang maluwag na pagpapatupad ng mga protokol kaugnay ng COVID-19.

Tradisyon na ng mga Pilipino ang magkaroon ng listahan ng kahilingan sa ganitong panahon. Ako man, sa aking edad na ito, ay mayroon pa ring listahan para sa aking sarili at pamilya. Bukod dito, mayroon din akong ilang kahilingan para naman sa bansa na nais kong ibahagi sa column na ito.

Unti-unti nang bumabalik sa normal ang takbo ng ating buhay. Kaugnay nito, hiling kong magtuloy-tuloy ang mahusay na pangangasiwa ng pamahalaan at Department of Health (DOH) sa sitwasyon. Mapanatili sana sa mababang antas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Nawa’y hindi rin magtatagal ay ideklara na bilang endemic ang COVID-19.

Kaugnay ng usapin ng COVID-19, nawa’y mas mapalakas at maging maayos ang sistema ng healthcare sa bansa. Ipinakita ng pandemyang ito kung gaano kahalaga na mayroong sapat na mga nars, doktor, at mga supply para sa lahat. Higit sa lahat, nakita natin ang pangangailangan na maisaayos ang sistema upang maging abot-kamay ang serbisyo ng healthcare para sa lahat.

Patuloy na rin sana ang pagbangon at paglago ng ating ekonomiya upang umangat ang antas ng buhay ng mamamayan lalo na yaong mga naninirahan sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa.

Nawa’y makarating sa mga ito ang magandang kalidad ng edukasyon at access sa maaasahang serbisyo ng kuryente na siyang makatutulong sa pagbubukas ng mga oportunidad sa lugar.

Upang lalong matulungan ang mamamayan na ­makabangon mula sa epekto ng pandemya sa kanilang pinansyal na estado, nawa’y lalo pang maging agresibo ang pamahalaan sa paggawa ng paraan na labanan ang mataas na antas ng inflation sa bansa nang sa gayon, mas magkaroon ng kakayahan ang mga manggagawang Pilipino na matustusan ang pangunahing pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Isa pang munting kahilingan ay ang mas magandang benepisyo para sa ating mga senior citizen, lalo na para sa mga walang inaasahang pensyon at hanapbuhay. Maswerte ang ­ating bansa dahil hindi natin problema ang pagkakaroon ng matandang populasyon. Sa aking personal na opinyon, ito ay isang magandang oportunidad upang mas paigtingin ang sistema ng pag-aalaga ng pamahalaan sa mga senior citizen sa bansa.

Ilan lamang ito sa aking mga pangunahing kahilingan para sa ating bansa. Nawa’y patuloy ang pamahalaan at ang pribadong sektor sa pagtutulungan upang makamit natin ang kaunlaran hindi lamang para sa malalaking siyudad kundi para sa buong bansa. Gaya nga ng sinabi ni PBBM, dapat ay walang sinomang maiiwan dahil ‘yan ang tunay na diwa ng kaunlaran.

53

Related posts

Leave a Comment