MGA PESTE SA NAIA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAGKAKALETSE-LETSE na ang bansa sa mga problema ay dumagdag pa ang mga peste sa pangunahing paliparan.

Sikat uli ang Ninoy Aquino International Airport, ngunit ang popularidad ay negatibo at malaking kasiraan sa imahe ng paliparan.

Matapos kumalat sa social media ang video ng mga surot sa mga butas ng mga upuan na ginagamit ng mga pasahero sa loob ng Terminal 2 at 3 ay daga naman ang namataan. At ngayon, ipis na naman ang bumulaga.

May mga peste sa NAIA.

Umandar na kukote ng mga otaw na lumusob na rin sa social media kaya pumutok uli ang internet.

Sabi ng ilan, kung noon ay may tanim-bala sa NAIA, ngayon ay tanim-peste na.

As usual, gaya na rin ng nasa tuktok ng ating kukote ay medyo pasado ang suspetsang sinadya ang peste para maisulong ang pagsasapribado ng NAIA.

Kunyari, sisirain, tapos kukumpunihin at kapag hindi naayos ay presto, madali ang pagbenta.

Saka, malamang na ikabit ang mga peste sa pangalan ng paliparan. Alam naman natin na marami rin ang gustong palitan ang pangalan ng NAIA. Malamang sasabihin na peste ang pangalan kaya sumusugod ang mga pesteng insekto.

Hindi maintindihan ng iba na wala sa pangalan ang imahe ng isang gusali at ano pa man, kundi sa nagpapatakbo.

May depensa sa paglusob ng mga peste. Ang rason: mga concessionaire ang dahilan ng impestasyon ng mga daga.

Pahayag umano ng pest control service provider ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang mga surot sa mga upuan sa paliparan ay hindi local species.

Wow! Imported.

Natural, ipapasa ang sisi sa iba.

Sabagay, tinutugunan naman ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) ang problema sa surot at daga.

Agad namang itinapon ang mga rattan na pinamahayan ng mga surot, at nagsagawa ng disinfection sa dalawang terminal.

Kailangan pang may mamantal sa sipsip ng mga surot bago malamang mayroong problema sa peste ang paliparan.

Pamukaw na ito sa mga nangangasiwa. Ang NAIA ang pintuan ng Pilipinas para sa mga nais bumisita sa bansa.

Kailangang pag-igihan ang pangangasiwa rito para iwas-kahihiyan.

Bagama’t gumagawa na ang nangangasiwa ng mga aksyon gaya ng malawakang facility inspection at pagpapaigi pa sa sanitasyon sa mga nabanggit na terminal ay nakatatak na ang sipsip ng mga surot at pagsulpot ng daga sa persepsyon ng mga tao.

Malabo nang mabura ang negatibong impresyon na ang NAIA ay mayroong surot.

Hindi na ata makababangon ang pambansang paliparan sa taguring isa sa mga worst airport sa buong mundo.

Hindi na bago ang aberya sa NAIA. Noong isang taon magkasunod din ang aberya na nakaperwisyo sa daan libong pasahero.

Dahil sa technical glitch, nabigyang diin na hindi pa ‘gold standard’ ang Air Traffic Management team ng CAAP o ang Civil Aviation Authority of the Philippines.

Pag-igihin sana ang pagmantini sa kalinisan at sanitasyon ng paliparan.

Huwag nang hintayin na sumunod na sumugod ay mga buwaya. ‘Yun gumagapang ha, hindi ‘yun naka-barong.

117

Related posts

Leave a Comment