MGA PROGRAMANG NAKATUTULONG SA MARAMING PILIPINO

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

WALANG mabilis na solusyon para agarang mapabuti ang buhay ng napakarami pang Pilipino. Ayon sa isinagawang survey ng OCTA Research noong nakaraang buwan, bahagya namang bumaba nitong huling tatlong buwan ng 2023, ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Katumbas ito ng 45 porsyentong Pilipino o 11.9 million, na mas mababa nang kaunti sa 46 porsyento o 12.1 milyong Pilipino noong Oktubre. Pero kung usapin naman ng involuntary hunger ang titingnan, tumaas ito sa 14 porsyento o nasa 3.7 milyong households mula sa 10 porsyento.

Hindi nakagugulat na sa isa pang survey na nilabas ng OCTA Research, lumabas na pangunahing inaalala ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng pagkain. Kasunod nito ang access sa abot-kayang pagkain, pagkakaroon ng mas maraming trabaho, mas mataas na sweldo, at kahirapan.

Kaya nga kailangan talaga ng mga programang tunay na makapagpapabuti at talagang makatutulong para maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga tao.

Kaisa ang Meralco ng pamahalaan at ng mga grupo na naglalayong mapabuti ang buhay ng mas marami pang Pilipino. Sa katunayan, hindi lamang mga customer ng kumpanya ang nagbebenepisyo sa mga programa ng kumpanya.

Bagama’t ang mandato ng Meralco ay magbigay ng maaasahan, tuluy-tuloy at maayos na serbisyo ng kuryente sa mga consumer sa loob ng franchise area nito, hindi tumitigil ang kumpanya sa pagsigurong makikinabang din ang mga Pilipino sa pinakamalalayong bahagi ng bansa, sa serbisyo ng kuryente.

Isinasagawa ito ng kumpanya sa pamamagitan ng One Meralco Foundation (OMF) at pati na rin ang mga partner na mayroong parehong adbokasiya na maghatid ng liwanag para magbigay-daan na mapabuti pa ang buhay ng mga nasa kasuluk-sulukan ng Pilipinas.

Kahit naman ang mga lugar na hindi sakop ng kumpanya, bukas-loob na naghahatid ng tulong ang Meralco kapag kinakailangan. Halimbawa na lamang ang kusang-loob na pagtulong ng kumpanya kapag tinatamaan ng malakas na bagyo ang mga probinsya. Hindi nagiging madali para sa mga distribyutor ng kuryente ang pagbabalik ng serbisyo ng kuryente dahil kadalasan ay nasisira rin ang kanilang mga pasilidad at nangangailangan talaga ng tulong. Ganito ang nangyari nang tumama ang bagyong Odette sa Visayas at ng bagyong Egay sa Ilocos kung saan agad nagpadala ang Meralco ng tulong – kahit pa panahon ng kapaskuhan.

Walang pag-aalinlangan ang mga empleyado ng kumpanya na makipag-bayanihan dahil likas sa kultura ng kumpanya ang malasakit sa kapwa at ang pagnanais na makatulong sa iba para makabangon.

Bilang patunay sa mga magandang adbokasiya at inisyatiba ng kumpanya na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, nakatanggap ang Meralco sa katatapos lamang na 20th Philippine Quill Awards, ng pagkilala para sa mga programa nitong nakatuon sa pampublikong serbisyo, sustainability, innovation at corporate social responsibility.

Ilan sa mga nagkamit ng pagkilala ang programang Balik Eskwela, One for Trees, Light Up Pilipinas, School at Household Electrification Programs ng OMF. Kasama na rin ang kabayanihang ipinamalas ng One Meralco noong kasagsagan ng bagyong Odette, at ang power restoration at relief efforts nito; at ang mga programang nagpapakita ng pangunguna ng Meralco sa pagsusulong ng kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng Meralco Rescue, pagpapahalaga sa kalikasan sa ilalim ng Race to Zero Waste program, at pagpapabuti pa ng serbisyo ng kuryente.

Nag-uwi ang kumpanya ng 28 na tropeyo para sa parehong bilang ng mga programa na naglalayong makapaghatid ng tulong at serbisyo para sa mas maraming Pilipino. Tinanghal ng International Association of Business Communicators Philippines ang kumpanya bilang isa sa pinakamahusay na kumpanya sa larangan ng komunikasyon, na napakahalaga para rin maipaliwanag ang mabuting nagagawa ng mga programa ng kumpanya, at siyempre para rin magsilbing inspirasyon sa iba na huwag magsawang gumawa ng mga bagay na makabubuti sa mas marami pang Pilipino.

85

Related posts

Leave a Comment