MULA LOBO, BATANGAS PATUNGO SA MALACAÑANG PARA TUMULONG SA ISANG OFW

BANTAY OFW

Mula sa bayan ng Lobo, Batangas lulan ng kanyang tricyle ay personal na dumulog sa aking tahanan sa Sta. Rosa, Laguna ang ating AKOOFW National President na si Junn Felix Landicho upang idulog ang sinapit ng isa niyang kapitbahay na isang OFW sa Riyadh.

Personal na nakiusap si Konsehal Junn Felix Landicho na aking mailapit sa Presidential Action Center sa Malacañang ang kaso ni H. C. Ramirez na kasalukuyang nakapiit sa Hair Jail sa Riyadh.

Ayon sa kanyang salaysay sa akin ay nag-abroad si Ramirez sa tulong ng Dominion Overseas Management Euro-Asia Corporation (DOMEC) at mahusay na nagtatrabaho sa Unique Catering Company.

Mabuti naman ang kanyang naging employer at bilang isang Pinoy ay masasabi na si Ramirez ay naging palakaibigan sa kapwa Filipino. Tatlong linggo na ang nakaraan ay naimbitahan siya ng isa ring kapwa Pinoy upang makisalamuha, ngunit li­ngid sa kanyang kaalaman, ang bahay na kanya palang napuntahan ay kasaluku­yang minamanmanan na pala ng awtoridad ng Riyadh dahil sa hinihina­lang  may nakatira roon na nagbebenta ng droga.

Sa isang iglap, ay ni-raid ng awtoridad ang bahay at nahuli ang kanilang hinahanap. At dahil si Ramirez ay nasa loob rin ng naturang bahay ay isinama rin siya at ikinulong.

Maging ang mga kaibigan at nakakakilala kay Ramirez ay nagsasabi na hindi kailanman nakitaan o nabalitaan na ito ay may kinalaman sa droga at sila ay nagsasabi na ito ay talagang nadamay lamang noong oras na hulihin ang tunay na Pinoy na involved sa illegal drugs.

Dahil sa pakiusap at pagmamalasakit ni Konsehal Landicho sa kanyang mga kababayan sa Lobo, ay akin pong personal na idudulog ang problemang ito kay Presidential Action Center Director IV Asec Jaime L. Mabilin.

Tayo rin ay nakikiusap sa kanyang ahensya na kung maaari ay kanilang bigyan din ng pansin at matulungan ang kanilang OFW na isa lamang biktima ng maling akala. Nagkataon lamang na nasa maling lugar at sa maling oras si Ramirez.

Bagama’t hindi naman natin kinukunsinti ang anumang ilegal lalo na ang may kinalaman sa droga, ngunit tungkulin pa rin naman natin na mabigyan ng patas na batas at hustisya ang sinumang walang pagkakasala. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

215

Related posts

Leave a Comment