PRANGKISA NG MANILA WATER BAWIIN

BAGWIS

Dati-rati ay naiinis ako dahil sa mga ginagawang paghuhukay ng Maynilad sa aming lugar. Sa katunayan, isang kanto mula sa amin ay mga ginagawang “systems upgrade” ng Maynilad na nagiging sanhi ngayon ng traffic sa aming lugar.

Ngunit nitong mga nagdaang araw ay napagtanto natin na tama ang ginagawa ng Maynilad. Hindi na nito hinintay na magkaroon ng krisis sa tubig ang aming lugar bago pa ito kumilos upang isaayos ang mga linya ng tubig at maglagay ng mga imbakan.

Ito ang naging problema ng Manila Water. Inuna nitong inintindi ang kita bago ang kapakanan ng mga customer nito. At ngayong nararanasan na ng mga kababayan natin sa eastern Metro Manila ang delubyo ng kawalan ng tubig ay saka nagkukumahog ang Manila Water sa paghahanap ng solusyon upang magkaroon ito ng sapat na supply ng tubig para sa kanilang concession area.

‘Ika nga ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho Nograles ay hindi dapat isisi ng Manila Water ang kasalukuyang krisis sa tubig sa nararanasan ng bansa na El Niño.

Napaka-basic naman kasi na talagang mababawasan ang supply natin sa tubig pagpasok ng Marso hanggang dumating ang tag-ulan sa buwan ng Hulyo dahil summer season ito.

Sang-ayon tayo sa obserbasyon ni Nograles na kapabayaan at hindi El Niño ang tunay na dahilan ng nararanasang krisis sa tubig sa silangang bahagi ng Metro Manila na sakop ng Manila Water.

Isipin ninyo, ang tagal-tagal nang hawak ng Manila Water ang pagsu-supply ng tubig sa Metro Manila subalit wala itong naitayo ni isang bagong water containment facility o bagong pagkukunan nito ng tubig.

‘Yung ginagawa nitong Kaliwa dam project at ang Cardona water treatment plant na huhugot sana ng tubig mula sa Laguna Lake at gamitin bilang bagong pagkukunan nito ng tubig ay naantala sa hindi natin malamang dahilan.

In short, kulang sa foresight itong Manila Water dahil mula pa naman noong 2016 ay inaasahan na natin na magkakaproblema tayo sa supply ng tubig.

For the last 3 years ay nakatunganga lang ang Manila Water habang ang Maynilad ay kaliwa’t kanan ang mga ginagawa nitong proyekto upang mapabuti ang kanilang serbisyo.

Patuloy naman ang pagdami ng populasyon sa concession area nitong Manila Water dahil sa napakaraming mga housing at condominium projects ang itinatayo maliban pa sa mga malaka-buteng nagsusulputan na mga business at commercial centers.

D’yan pa lang eh alam na dapat ng Manila Water na darating talaga ang punto na magkakaroon na ito ng shortage sa supply at nagpursige ito na maghanap ng mga bagong mapagkukunan nito ng malinis na tubig.

Eh kung ganyan naman pala kainutil itong Manila Water ay mas maganda siguro na bawiin ng pamahalaan ang prangkisa nito at ibigay sa ibang kompanya na masigasig magserbisyo sa mga kustomer nito gaya ng Maynilad. (Bagwis/GIL BUGAOISAN)

72

Related posts

Leave a Comment