‘NABUANG KA NA ‘DAY!’

EDITORIAL

NAUWI sa pag-walkout ang mainitang debate nina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Nancy Binay sa pinagtatalunang pondo sa pagpapatayo ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City.

Bago ang walkout ay nasa good mood pa ang dalawang senador nang umupo sa komite si Binay na binigyang pugay naman ni Cayetano.

Naging mainit ang usapin nang maungkat na ang presyo ng itinatayong gusali at sa kung paanong lumobo sa P23 bilyon ang halaga nito.

Kinampihan ni Binay si Senior Usec Emil Udain, kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pagsabi nito na walang P23 bilyong halaga ang pinag-uusapan sa bagong gusali.

Pero, kinontra ito ni Cayetano at sinabing may dokumento silang hawak na P23 bilyon ang tinatayang halaga ng gusali.

Galing umano ang dokumento sa mga staff ni Binay, ayon pa kay Cayetano.

Dito ay nag-init na si Binay at binara na rin ni Cayetano sa hindi umano nito pakikinig sa mga paliwanag. At pag-akusang ginugulo ang hearing.

“Nabuang ka na, ‘day, sabi ni Cayetano nang walang kaabog-abog na tumayo at nilayasan ang hearing.

“Tapusin natin nang maayos ito; Senado ito ng Pilipinas, hindi ito palengke,” pahabol pa ni Cayetano

Totoong hindi pa tapos ang sigalot ng dalawang senador.

Mauungkat at mauungkat kung saan nga ba nanggagaling ang iringan ng dalawa at dito ay tiyak na mabubungkal ang dati nang away ng dalawang pamilya.

Personalan na ‘ika nga.

Nang magpa-interview si Binay matapos ang walkout, sinabi nitong nabungkal muli ang sigalot ng dalawang pamilya sa pinag-aagawang teritoryo ng Makati at Taguig.

Feeling niya, sinira ng mga Cayetano ang pangalan ng mga Binay sa sarili nilang balwarte.

Hangga’t hindi natatapos ang hidwaan sa pagitan ng dalawang senador na pamilya versus pamilya na ang labanan, hindi matatapos ang usaping ito.

Ang ending, taumbayan na naman ang nakasangkalan dahil sa pera ng pobreng Pinoy huhugutin ang pondo dito. Nakatatawa lang tingnan dahil sa kabila nito, nakakaaliw panoorin ang tila mga batang senador na nagbabatuhan ng putik at may drama pang layas-layas effect sa harap ng publiko.

Tiyak na may papagitna sa dalawa hanggang sa magkaayos ang mga ito, plastikan man o totohanan. Abangan na lang ang susunod na kabanata.

Popcorn, please.

43

Related posts

Leave a Comment