HINDI ko masisisi si Pangulong Rodrigo Duterte kung nilayasan nito ang pulong ng gabinete kamakailan, sapagkat totoo namang nakakabuwisit ang balitang dalawang taon nang hindi umuusad ang mga kaso ng land conversion sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Palagay ko, kahit sino ay mababanas, mag-iinit ang ulo at lalayasan ang mga taong nasa kanyang harapan kung panay kapalpakan ang nangyari sa DAR sa nakalipas na dalawang taon.
Dalawang taong nakababad sa DAR ang problema sa pagpoproseso ng land conversion, ngunit hindi man lang ipinarating sa media noong si Rafael Mariano pa ang hepe ng DAR.
Kung hindi pa ikinuwento ni Duterte na iniwanan niya ang mga miyembro ng gabinete at ang dahilan nito ay hindi makararating sa media na nagpabaya si Mariano sa kanyang trabaho at obligasyon sa mamamayang Filipino.
Sabi ni Duterte, matagal ang proseso ng land conversion, sapagkat 30 clearances ang kailangan bago matapos ito.
Tiyak akong alam ni Mariano ang problema, sapagkat napakahalaga sa kanya ang isyu ng lupa.
Matagal na siyang nakikibaka hinggil dito, ngunit lumilitaw na wala siyang ginawa nang siya na ang naging kalihim ng DAR.
Noong pinuno pa siya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tila ihi lang ang pahinga ni Mariano sa pakikipaglaban nito para magkaroon ng lupa ang magsasaka, pesante at manggagawang bukid.
Lahat ng isyu na may kinalaman sa lupa ng mga magsasaka, pesante at manggagawang bukid ay hindi niya pinalampas.
Kahit anong pagkakamali ng pamahalaan, partikular ang DAR, sa mga magsasaka, pesante at manggagawang bukid ay todo-todong binibira ni Mariano.
Kaya, hindi ako nagtaka kung bakit nagtagal siya sa pagiging pangulo ng KMP.
Kung hindi pa siya naging kinatawan ng Anakpawis party-list ay hindi siya tatanggalin sa KMP.
Nang matapos ang termino sa Kongreso, naging hepe uli si Mariano ng KMP.
Kaya, muling ikinasa ang kanyang ‘baril’ laban sa pamahalaan at mga panginoong may lupa.
Tapos, nanahimik uli si Mariano nang maging opisyal ng gobyerno ng mga kapitalista at panginoong maylupa sa unang dalawang taon ng administrasyong Duterte.
Nang sibakin sa puwesto si Mariano, may itinayong organisasyon ang kanyang pangkat sa kilusang kaliwa na tinawag nilang “Bantay Bigas” kung saan ito naman ang kanyang ginagamit sa pakikipaglaban sa pamahalaan.
Mahalaga ang isinawalat ni Duterte sa pagpapabaya ni Rafael Mariano sa DAR, sapagkat nakita ng mamamayang Pilipino kung ano ang gagawin ng mga puwersa kilusang kaliwa at komunista kapag naitayo nila ang pamahalaang gusto nilang ipalit sa umiiral na pamahalaan.
Napakalinaw ng ebidensya na walang mangyayari sa ahensiya ng pamahalaan tulad ng DAR kapag puwersang kaliwa ang naging pinuno nito. (Saliksik / NELSON S. BADILLA)
130